Kahit mahirap, nasuklian naman ang ginawang sakripisyo ni Princess Punzalan na iwan ang showbiz at Pilipinas para makasama ang kaniyang asawa sa Amerika, dahil nakapagtrabaho siya roon bilang isang nurse.
Sa "Just In," ikinuwento ni Princess na ikinasal sila ng Amerikano niyang asawang si Jason Field at umalis siya ng bansa noong 2005.
Nakatakdang bumalik si Jay noon sa eskuwela para mag-aral ng kaniyang master's degree.
"Pinag-usapan namin kung saan kaya kami puwedeng lumagi, saan kami puwedeng tumira? We both agreed na mas maraming opportunities for him dito sa Amerika," sabi ni Princess.
"Ako naman ay nagsa-submit sa aking asawa. So okay, pumayag ako na iwanan ko lahat, titira kami dito sa Amerika."
Tinanong ng host na si Paolo Contis kung naging mahirap ba ang ginawang desisyon ni Princess.
"Mahirap. Kasi lahat ng nakasanayan ko, lahat ng mga mahal ko sa buhay, iniwan ko. It wasn't so bad because, siyempre 'pag mahal mo ang isang tao kahit ano ibibigay mo," saad ng aktres.
"And hindi rin naman sayang 'yung mga paghihirap and sacrifices kasi mabait din naman itong napangasawa ko," dagdag pa niya. "Sulit naman, sulit naman."
Sa kabila ng nasa ibang bansa na siya, nakakatanggap pa rin si Princess ng offers ng guestings sa Pilipinas.
"Ako nga 'yung nahihiya dahil hindi ako makabalik kasi marami akong responsibilidad dito at hindi ako puwedeng mawala nang matagal," sabi niya.
Taong 2018 nang makasama si Princess sa pelikulang “Yellow Rose” na idinirek ng Filipino-American na si Diane Paragas, kung saan kasama niya rin si Lea Salonga.
"Habang nagshu-shooting kami, sabi ng direktor sa akin 'Why aren't you working here in America as an actor? You should be working more,' sabi sa akin no'n."
Ganito rin daw ang tanong kay Princess ng kaniyang asawa noong bagong kasal pa lang sila.
"Kung ipu-pursue ko ang pag-aartista, I will either have to live in Los Angeles or in New York, or at least matagal akong mawawala pupunta ako sa either New York or Los Angeles para mag-artista. Eh hindi naman magandang pundasyon 'yun ng marriage kung bagong kasal, iiwanan mo 'yung asawa mo," sabi ng aktres.
"So I stayed and I went back to school para maging nurse."
Gusto raw ni Princess na tuparin ang pangarap niyang maging doktor noon.
"At first I wanted to become a doctor. But then after thinking about it napag-usapan na namin ng asawa ko it would be better if I shifted to nursing dahil mas maikli ang panahon ng pag-aaral but it's still the same health-related pa rin at tumutulong pa rin ako sa tao," sabi niya.
Nag-graduate si Princess bilang nurse noong 2003. —LBG, GMA News