Inihayag ni Princess Punzalan na hindi biro ang kaniyang pag-aartista sa Amerika dahil sa dami ng mga artistang nagpapaligsahan para makuha ang gusto nilang role.

"Kasi ang labanan ng pag-aartista rito [sa US] parang Ms. Universe. Talagang libo-libo ang artista na naglalaban for that one role. So pagalingan talaga," kuwento ni Princess kay Paolo Contis na host ng online show na "Just In."

Kaya muli raw nag-aaral si Princess para mahasa pa ang kaniyang talento sa pag-arte.

"Actually I never went to school for acting pero dito kinailangan kong mag-aral. I'm coaching with someone, his name is Billy Hufsey, at marami siyang kinorek (correct) sa mga bad habits ko bilang artista," saad niya.

"Tinuruan niya ako ng mga style na kung paanong gamitin ang camera at paano manatili doon sa apat na sulok ng camera. There are always new things that we can learn," dagdag pa ng aktres.

Nakabilang si Princess sa pelikulang "Yellow Rose" na idinirek ng Filipino-American na si Diane Paragas. Kasama rin ni Princess sa proyekto si Lea Salonga.

Tungkol ito kay Rose Garcia, isang 17-anyos na undocumented na Pilipina na nangarap na iwan ang tahanan niya sa Texas para tuparin ang pangarap sa country music.

Pero naudlot ito nang dakpin ang kaniyang ina ng Immigration and Customs Enforcement.

Natanong si Princess kung ano ang pinagkaiba ng paggawa ng proyekto sa Amerika kumpara sa Pilipinas.

"Well, isang bagay na 'yung alam mo kung kailan ka uuwi," natatawang sagot ni Princess.

Ayon kay Princess, walong oras lang ang trabaho ng mga artista sa Amerika, at may overtime kapag lumagpas.

Bukod sa pag-aartista, isa ring nurse sa Amerika si Princess, na nakilala sa pagganap niya bilang kontrabida sa Philippine television.--FRJ, GMA News