Inihayag ng nagbabalik na aktres na si Tanya Garcia ang kaniyang pag-aalinlangan na sumalang sa lock-in taping ng "Babawiin Ko Ang Lahat," dahil iniisip niya rin ang kaniyang mga anak.

Sa At Home with GMA Regional TV, sinabi ni Tanya na nakatakda sanang maging "guest" lamang siya sa naturang GMA Afternoon Prime Series.

"Ang role ko dapat dito, guest lang. Pero naabutan kasi kami ng pandemic noong shinu-shoot namin ito. And then they asked me 'Okay lang ba if itutuloy-tuloy namin 'yung character mo kasi kailangan sa story?'" sabi ni Tanya.

"And then when I was reading the script, sabi ko 'Oo nga, parang ang ganda na babalik 'yung role ko.' Sabi ko 'Okay sige yes,'" pagpapatuloy niya.

Ngunit nagkaproblema nang dumating ang pandemya, at kailangang maging lock-in taping ang mga produksyon ng entertainment industry bilang bahagi ng COVID-19 protocols.

"Noong bumalik kami, lock in 'yung kailangan, doon ako medyo, 'Ohh! (Napa-buntong-hininga) Parang hindi ko kaya kasi hindi ko kayang iwan 'yung kids ko," sabi ni Tanya.

"Pero dahil nga naniniwala ako sa story, sa project na ito, sabi ko 'Okay, I will face my fear ko of leaving my children.' Kasi first time ko talagang iwan sila for a long period of time," pagpapatuloy niya.

Bago bumalik sa telebisyon, naging full-time mom muna si Tanya sa kaniyang tatlong anak na babae.

"'Yun naman ang actually, gusto ko, 'yung lahat ako hands on talaga at tsaka every milestone nila nakikita ko, nae-experience ko kasama sila," sabi niya.

Si Tanya ang gaganap bilang si Christine Salvador, ina ng karakter ni Pauline Mendoza na bida sa series. – Jamil Santos/RC, GMA News