Bumalik sa pag-aaral ang dating "TGIS" star na si Kim delos Santos para naman maging isang psychiatric mental health nurse at matulungan ang mga nakararanas ng depresyon.
Sa online talk show na "Just In," muling binalikan ni Kim ang pagsisimula niya sa ibang bansa matapos umalis sa Pilipinas.
"At first medyo mahirap siya as in, kasi hindi naman ako nakapagtapos sa Pilipinas eh, so I have to start from the bottom-up. Tapos hanggang ngayon nag-aaral na naman ako ulit, I'm back in school again [bilang] psychiatric mental health nurse practitioner," pahayag ni Kim na na dialysis nurse ngayon sa US.
"It's something interesting, para naman na kakaiba siya. Saka gusto ko ang psych eh, I like it," dagdag ng aktres.
Tumatalakay daw sa depresyon at anxiety ang pag-aaral ngayon ni Kim.
Ayon sa kaniya, nakararanas din ng stress o depresyon ang mga bata nitong panahon ng quarantine.
"Ang hindi napapansin ng mga tao, malaking epekto sa mga bata rin, because they are not going to school right now and they're home and they are isolated. Kung may siblings sila siyempre okay lang. Kung wala silang siblings it's not really good for them, so medyo naninibago sila," paliwanag ni Kim.
Dati nang ibinahagi ni Kim na hindi naging madali ang pagiging nurse niya sa Amerika, kabilang na ang karanasan niya sa diskriminasyon, at mag-alaga ng pasyenteng iniiwasan dahil inakalang mayroong COVID-19.--FRJ, GMA News
--FRJ, GMA News