Inihayag ni Andre Paras na bagaman pareho silang mahilig sa basketball ng nakababatang kapatid na si Kobe, marami pa rin daw silang pagkakaiba lalo na "maturity."

"Ang laking difference. Because I think some of us know, si Kobe, he tried out staying in the States for about, I guess since second year high school. Then he returned recently for college here," kuwento ni Andre sa "Mars Pa More."

"So na-realize ko is that even if we did not grow up sabay during our teen years, nu'ng bumalik siya rito he became more independent," pagpapatuloy ni Andre na mas matanda ng dalawang taon kay Kobe.

Dahil sa pamamalagi ni Kobe sa ibang bansa, natuto raw ito na mabuhay na mag-isa, taliwas sa nakasanayan ni Andre.

"Kahit I'm two years older than him, he is more mature, he knows how to cook, he is okay living alone. Ako I'm still proud to say I still live with my parents. Si Kobe may sarili na siyang place because he's used to it, he wants to be alone," anang Kapuso actor.

Kasabay nito, sinabi ng "Game of the Gens" host na si Andre na "label" lang ang mga katagang "Millenial" o "Generation Z" pagdating sa maturity.

"And I'm not going to be surprised, kahit 'yung mga Gen Z, Millenial, Gen X, those are just labels. Because anyone, kahit sino puwedeng maging mature," sabi niya.

Pag-amin ni Andre: "Ako 25, utak ko pang-15 years old pa rin. I love cartoons. You know what they say, 'man-child.' I still love hanging out with my little brother."

Ang importante raw, pareho silang nagkakaintindihan ng kaniyang kapatid.

Anak sina Andre at Kobe ng PBA star na si Benjie Paras.

Sumali na rin si Andre sa PBA Rookie Draft bilang pagtupad ng pangarap niya na maging basketball player.--FRJ, GMA News