Kilala man sa kaniyang husay sa pagpapatawa bilang "Dabarkads" sa Eat Bulaga, seryoso naman si Jose Manalo sa pribado niyang buhay, lalo kapag pinag-uusapan ang pamilya.
"Si Jose medyo seryoso bilang Ariel," sabi ni Jose, o Ariel Pagtalonia Manalo sa totoong buhay, sa Mornings with GMA Regional TV.
Natanong si Jose kung kumusta siya sa likod ng camera.
Ako sa tingin ko, wala namang nabago behind or sa harap ng camera. Makulit talaga ako. Medyo seryosong tao 'pag pinag-uusapan 'yung sa family," anang Kapuso comedian.
"Pero ganu'n pa rin eh, wala naman akong masyadong pinagbabago. Siguro sa tingin ko, 'yung panahon nagbabago pero ang tao kung ano ka, 'yun na rin. Pag-aaralan mo lang nang kaunti," dagdag pa ni Jose.
Gayunman, gusto pa rin ni Jose na nahahawa niya ng kasiyahan ang mga tao sa kaniyang paligid.
"Masayahin talaga akong tao. Gusto ko lahat ng tao sa paligid ko, kahit wala ako sa camera napapatawa ko eh."
Ngayong COVID-19 pandemic, sinisikap ni Jose na makapag-exercise at maka-bonding ang kaniyang pamilya.
"'Pag nasa bahay ako, bahay lang pero kailangan meron pa rin tayong workout nang kaunti paggising sa umaga. Nagbe-baseball ako sa bahay, kung minsan nagfu-football ako, kalaro 'yung mga baby. Doon lang talaga sa bahay, hindi ako lumalabas. Masarap kapag kasama 'yung pamilya." —LBG, GMA News