Sa kaniyang pagiging choice sa Bawal Judgmental nitong Sabado, emosyonal na binalikan ni Alden Richards ang hirap ng pagsisimula niya sa showbiz, lalo ang matanggihan nang maraming beses sa mga audition, bago siya naging matagumpay na artista.

"Noong year na namatay ang nanay ko, doon talaga nagsimula lahat," pagsisimula ni Alden.

"'Yung dad ko umalis siya sa trabaho niya for 10 years para makuha 'yung pera para may pampalibing kami. Kasi hindi rin naman gano'n kalaki talaga 'yung sahod ng tatay ko before," pagpapatuloy niya.

"After no'n, na-realize ko na parang kailangan meron akong gawin as anak for the family," sabi ni Alden.

Kaya mula school plays, sumali si Alden sa mga pageant sa Santa Rosa, Laguna. Edad 17 nang sinubukan niyang mag-audition sa mga commercial.

Naging hamon para kay Alden ang pamasahe, lalo na't nagmula pa siya sa probinsiya. Hindi rin daw nagiging sapat minsan ang suweldo ng kaniyang ama kaya dumidiskarte si Alden.

Noong una, hindi sinusuwerte si Alden na matanggap sa mga audition.

"Mas maraming hindi. Very depressing din kasi siya. Ang kalaban mo kasi 'yung pagkakataon eh, 'yung chance. What if hindi ka makuha? Sayang na naman 'yung effort. But iniisip mo kasi 'yung puwede mong makuha out of doon sa pupuntahan mong audition kasi that time malaki nang bagay 'yung magkaroon ka ng kaunting kita."

"'Yun 'yung naging drive ko para sikapin 'yung pag-o-audition, 'yung effort na 'yun kahit hindi ako sigurado kung makukuha," dagdag ni Alden.

Nakaramdam din daw si Alden ng insecurity sa mga kasabayan niyang nanggaling sa mga siyudad.

"'Pag taga-Maynila ka, iba ka eh, city boy ka, city girl ka. Ako noong time na 'yun, sobrang insecure ako sa sarili ko and at the same time kapag may mga ganu'n akong nakakasama sa audition, nakakapanliit ... Alam mo sa sarili mo na taga-probinsiya ka and 'Ano ba ang laban ko dito?'"

"Mahirap, mahirap talaga ang proseso ng pag-a-audition, especially sa pagko-commercial," ayon kay Alden.

Unang kita ni Alden sa commercial

Matapos ang matagumpay niyang commercial tungkol sa growth vitamins, kumita si Alden ng P50,000.

"Eventually noong kinita ko siya. Ako kasi sobrang thankful ako sa family ko na at that early, at 17, hinayaan na nila akong hawakan 'yung sarili kong pera," kuwento ni Alden, na tinatabi ang kaniyang kinita dahil pinapaaral niya na rin ang kaniyang sarili noong mga panahong iyon.

Gayunman, naoperahan si Alden sa appendicitis, kaya napunta doon ang kaniyang mga inipon. Mabuti na raw ito kaysa utangin pa ng kaniyang pamilya ang kaniyang pagpapaopera at mabaon sila sa utang.

"Thankful din ako na during that time, nagkakaroon ako ng ganoong opportunities  kasi ... Kasi shaky 'yung family namin before, hindi kami sigurado, 'Paano bukas?' 'Paano 'pag may emergency?'" anang Asia's Multimedia Star.

Pagiging thankful ni Alden sa kaniyang karanasan

Kaya naman maluwag aniya ang pakiramdam ni Alden na nakita niyang nagbunga ang kaniyang mga pinaghirapan para sa kaniyang pamilya.

"Sobrang thankful lang ako sa naging experiences ko noong bata ako kasi looking back, mahirap lang kasi kami eh. So ang sarap lang sa feeling na nagbubunga 'yung mga paghihirap ko simula noong nagsimula akong magtrabaho. Parang masaya rin ako kasi 'yung pamilya ko ngayon kumportable na. 'Yun ang pinagpapasalamat ko."

Ayon kay Alden: "Talagang kapag hindi mo pinaghihirapan ang isang bagay, hindi mo malalaman kung ano 'yung totoong value niya kapag nakamtan mo na siya. Masaya ako sa journey na 'yun and hindi ko ipagpapalit 'yun."

"Kung may redo ng mga nakaraan, wala akong babaguhin doon kasi binuo ako no'n as a Richard, as myself," sabi pa ni Alden. – Jamil Santos/RC, GMA News