Itinuring na malaking misyon ng aktres na si Nova Villa o Novelita Gallegos ang pagtanggap sa pinakamataas na parangal (Papal award) ng Vatican sa isang layko.
Ayon kay Gallegos, ang pagnanais nitong maging bahagi ng larangan ng sining ay isang misyon na ibigay ng Diyos.
"Yung ambisyon kong mag-artista became a mission, lahat ng ginagawa ko sa showbiz ay may kaakibat na misyon," pahayag ni Gallegos sa panayam ng Radio Veritas.
Hindi inaasahan ng aktres na sa mahigit limang dekada sa showbiz ay makatatanggap ito ng pagkilala mula sa Simbahan o ang Pro Ecclesia Et Pontifice sapagkat lahat ng ginawa nito ay buong pusong inialay sa Panginoon.
"Bukal sa puso ko yung anything na ginagawa ko for God; I'm happy to do it kahit mahirap," pahayag ng aktres.
Binigyang diin naman ni Novaliches Bishop Roberto Gaa na dapat pairalin ng komunidad ang pagtutulungan sapagkat ang pagkilala na tinanggap ni Gallegos ay para sa lahat na kapwa naglilingkod sa parokya.
Sinabi pa nitong ang papal awardees ay inaasahang maging saksi ng mabuting balita at magandang halimbawa sa pagiging mabuting Kristiyano.
"Ang papal award ay tatak ng paglilingkod sa simbahan na may kaakibat na malaking responsibilidad; They are shining example sana paano mamuhay bilang Kristiyano," pahayag ni Bishop Gaa.
Panawagan naman ni Gallegos sa mamamayan lalo na sa mga naglilingkod sa simbahan na ipagpatuloy ang pagiging mabuting lingkod ng Panginoon sa kabila ng pagiging bahagi ng iba't ibang larangan sa lipunan.
"I think, I am just an instrument of God's grace to people, by being nice to people, giving smile at them, you're giving them hope," dagdag pa ni Gallegos.
Hunyo 2019 nang i-nominate ni Novaliches Bishop Emeritus Antonio Tobias si Gallegos para sa papal award bukod sa anim na iba pang indibidwal mula sa diyosesis.
Idinaos ang paggawad sa Pro Ecclesia Et Pontifice sa aktres sa San Lorenzo Ruiz Parish, Tandang Sora Quezon City noong Enero 14, 2021 sa pangunguna ni Bishop Roberto Gaa kasama si Bishop Tobias, Fr. Niño Etulle, ang kura paroko ng Parokya at iba pang pari ng San Isidro Vicariate. —LBG, GMA News