Inihayag ng aktor na si Juan Rodrigo ang kaniyang sikreto kung paano siya tumagal na ng apat na dekada sa industriya ng showbiz.
"Sa artista, kailangan maging professional ka. Kailangan prepared ka sa script na pinadadala sa'yo, kailangan mong pag-aralang mabuti," sabi ni Juan sa GMA Regional TV Live.
Para kay Juan, mahalaga na naghahanda ang isang artista bago siya sumabak sa taping.
"Kailangan i-visualize mo 'yung mga eksena roon. Kasi ganoon ang ginagawa ko, vini-visualize ko agad kung ano 'yung mga nangyayari para ma-feel ko 'yung bawat eksena at kinakabisado ko na rin 'yung mga lines," sabi pa niya.
Makakasama si Juan sa upcoming Kapuso series na "Legal Wives," kung saan gaganap siya bilang ama ng karakter ni Andrea Torres na si Diane.
"We're both Catholic. Against ako kay Dennis Trillo na Muslim siya eh. Ayoko ng maraming asawa kasi ayokong masaktan 'yung anak ko," paliwanag ni Juan.
"Ang nangyari sa akin, meron akong asawa na iniwan ko, iniwan ko sila, at nakita ko kung paanon nahirapan 'yung asawa ko, kung paano siya umiyak sa mga kalokohan ko noong araw. Ayokong madanas 'yun ng anak ko (Diane) kay Dennis," dagdag ng aktor.
Sa naturang serye, magiging legal na asawa rin ng karakter ni Dennis ang mga karakter nina Alice Dixon at Bianca Umali.
Sa naunang panayam, ipinaliwanag ni Dennis na hindi istorya tungkol sa kabit ang "Legal Wives." --FRJ, GMA News