Nilinaw ni Dennis Trillo na hindi istorya tungkol sa mga kabit ang pagbibidahan niyang upcoming Kapuso series na "Legal Wives."

"'Yung technical kasi ng show niya pagkarinig mo, iisipin mo tungkol sa mga kabit-kabit. Pero hindi siya ganoon," sabi ni Dennis sa panayam ng "Biztalk" ng GMA Regional TV.

"Ako noong una ganoon din 'yung inisip ko. Pero nu'ng nabasa ko 'yung kuwento, na-in love ako dahil nakita ko 'yung kultura ng mga kapatid nating Muslim, at na-in love ako roon sa mga characters nila dahil ipinakita roon 'yung talagang beliefs nila, 'yung kultura," dagdag ni Dennis.

Gaganap si Dennis sa naturang serye bilang si Ishmael Macadato, na nagkaroon ng tatlong asawa na nanggaling sa iba't ibang henerasyon.

Napangasawa ni Ishmael ang mas may edad na sa kaniyang si Amirah, na gagampanan ni Alice Dixson; kaedad niyang si Diane, na gagampanan ni Andrea Torres; at mas bata sa kaniya na si Farrah, na gagampanan ni Bianca Umali.

"Lahat 'yon ay hindi ko naman [sila] pinili pero nangyari lang dahil sa pagkakataon, dahil sa sitwasyon na kinasangkutan ko," kuwento ng Kapuso actor.

Aasahan daw na mag-iiba ang dynamics ng kuwento dahil legal sa kultura ng mga Muslim ang pagkakaroon ng higit sa isang asawa, basta makapagbibigay ang isang ama ng pantay na suporta at pagmamahal sa bawat isa.

"Nandito kami para i-entertain, and at the same time i-educate rin 'yung mga kababayan natin para mas makilala natin sila at mas mamahalin natin sila kapag nalaman nating 'yung kuwentong ito," sabi ni Dennis.

Itatampok daw ni Dennis ang tribo ng mga Maranao.

Kasama rin sa serye sina Cherie Gil, Al Tantay, Shayne Sava at Abdul Raman.--FRJ, GMA News