Matapos ang limang taon, muling magkakatambalan sina Lovi Poe at Benjamin Alves para sa Kapuso series na "Owe My Love." Si Benjamin, binalikan ang mga panahong na-starstruck siya kay Lovi kaya hindi niya ito kinakausap.
Sa "Unang Hirit" nitong Miyerkules, nagkuwento sina Lovi at Benjamin sa kanilang lock-in taping.
"It's been so great. We're just glad na nakabalik na po kami sa taping," sabi ni Benjamin.
Unang nagkatambalan sina Lovi at Benjamin sa Kapuso series na "Sana Dati" noong 2013.
"Sobrang nahihiya pa ako. Ayaw ko siyang kausapin eh. I was both starstuck and I was just really culture shocked the whole day," sabi ni Benjamin.
Parehong masaya sina Lovi at Benjamin na muli silang magtatambalan para sa upcoming romantic-comedy series ng GMA Public Affairs.
"I was just looking forward to working again with Ben. Knowing Ben, sobrang relaxed na tao din, funny din siya behind the camera," ayon kay Lovi.
Gaganap si Lovi bilang si Sensen Guipit, samantalang celebrity doctor at financial adviser naman si Benjamin bilang si Doc Migs Alcancia. —LBG, GMA News