Ikinuwento ni Marian Rivera na gusto na raw ng panganay na anak nila ni Dingdong Dantes na si Zia na sundan na si Ziggy.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing ipinagdiwang ni Zia ang kaniyang kaarawan nitong Nobyembre kung saan sinorpresa siya ng kaniyang mga magulang ng video greetings mula sa kaniyang social media idols.

Si Marian mismo ang nag-compile ng video.

Napukaw ang loob ni Marian nang hilingin daw ng kaniyang anak na sana ay ligtas ang kaniyang pamilya at mga kakilala mula sa COVID-19.

Gayunman, birthday wish din pala ni Zia na magkaroon na siya ng bago pang kapatid na susunod kay Ziggy.

"Gusto raw niyang magkaroon ng kapatid...ng kapatid pa. Juice ko," natatawang kuwento ni Marian.

Samantala, inilunsad naman ni Marian ang expansion ng kaniyang flower business nitong Martes na mayroon na ring home collection, kasabay ng pista ng Immaculate Concepcion.

Pinangalanan ito ni Marian na "Flora Vida Home," na kasabay ng naturang pagdiriwang dahil deboto siya nito.

Kabilang sa home collection ni Marian ang mga furniture at gamit sa bahay na inspired ng travels abroad.

"Bata pa lang talaga ako naka-ingrained na sa akin at nakatatak na talaga sa akin 'yung mga flower. Siguro 'yung mga flower elements na ito ay palaging present sa buhay ko, naiiba lang siguro through expression sa damit or sa dried flowers o kaya sa mga gamit sa bahay. But still nasa puso't isip ko talaga siya," sabi ni Marian.

Bukod sa mga fabric mula sa Europa, locally-made rin ang mga ito at ang wood carvers ng Laguna ang gumagawa ng kaniyang mga furniture tulad ng mga silya at mga ottoman.

Mahilig na si Marian sa mga bulaklak mula pa pagkabata, na makikita sa negosyo niyang preserved and dried flowers na tinawag na "Flora Vida by Marian."

Katuwang din ni Marian ang negosyong delivery ni Dingdong na DingDong PH, na minsan ay mismong si Dingdong  ang taga-deliver ng kaniyang items.

"Gustong gusto talaga niya eh. Minsan 'yung bulaklak, 'Saan 'yung delivery?' Siyempre DingDong.ph 'yung nagde-deliver ng mga flowers ko. 'Saan yan?' 'Diyan sa may Ortigas.' 'Anong address? Ako na 'yan' Siya ang nagmo-motor,'" kuwento ni Marian tungkol sa kaniyang asawa.--Jamil Santos/FRJ, GMA News