Inilahad ni Marian Rivera na sa murang edad ng anak nila ni Dingdong Dantes na si Zia, namulat na ito na nahaharap ang bansa ngayon sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
"The mere fact na nagkaroon tayo ng pandemya at noong nakita niya na nagluluto ako para sa mga frontliners at araw-araw 'yung tatay niya nagpa-pack kaming relief goods para sa mga tao na dapat matulungan, doon pa lang nagtanong na siya," sabi ni Marian sa entertainment press nitong Lunes.
"This is for what mama? Why are you cooking so many?" daw ang kadalasang tanong ng limang taong gulang na anak nina Marian at Dingdong.
"Sinasabi ko, 'Anak kasi may problema sa labas. Kailangan natin tumulong.' Tapos in-explain ko sa kanya, ano meron, na may COVID-19," sagot naman ni Marian.
Gayunman, wala raw inililihim sina Marian at Dingdong sa kanilang anak.
"Very transparent kami kay Zia. Kinakausap namin siya the way na maiintindihan niya. Never kami nag-filter sa kaniya [sa kung] ano nangyayari outside."
"So malinaw at mahalalga din siguro sa bata 'yung nalalaman 'yung realidad at katotohanan," dagdag ni Marian.
Kaya payo ni Marian sa mga kapwa niya magulang na may maliliit pang anak: "Siguro puwede naman sabihin ng mga parents not in a harsh way pero 'yung totoo lang."
At dahil ipinaliwanag kay Zia ang sitwasyon ng COVID-19, marunong na rin itong mag-ingat.
"Mama did you do the test? Mama did you put alcohol? Did you change [clothes]?" tanong daw ni Zia kay Marian sa tuwing lalabas si Marian para sa mga shoot.
Ipinagdiwang ni Zia ang ikalima niyang kaarawan nitong Nobyembre at humiling ng "world healing," na ikinaantig naman ni Marian. —KG, GMA News