Pumanaw sa edad na 59 nitong Linggo si April Boy Regino, ang mang-aawit sa likod ng ilang OPM hit song tulad ng "Di Ko Kayang Tanggapin" at "Paano ang Puso Ko."
Ang malungkot na balita ay ibinahagi ng kapatid ni April na si Vingo Regino sa Facebook post.
“Nakakalungkot naman ang araw na ito..wala na ang kuya April Boy ko,” saad niya.
Tanong 2009 nang malaman na mayroong prostate cancer si April Boy habang naninirahan sa Amerika.
Taong 2013 nang ibalita ng mang-aawit na cancer-free na siya matapos ang ilang taong pakikipaglaban sa sakit.
Pero pagsapit ng 2015, inihayag ni April Boy na mayroon naman siyang diabetic retinopathy, na nagdudulot ng pagkabulag sa mga taong may diabetes.
Habang unti-unting nawawala ang kaniyang paningin, nagpahayag ng kasiyahan si April Boy nang pumirma siya ng kontrata sa GMA Records para makagawa pa ng awitin tungkol sa pananampalataya sa Diyos.
Sa panayam noong 2016, sinabi ng mang-aawit na hindi na nakakakita ang kaniyang kaliwang mata. Habang ang kanan niyang mata, nakakaaninag pa ng liwanag.
Kabilang sa mga naging tatak ni April Boy sa pagtatanghal ay maghahagis niya ng sumbrero. Nakilala rin siya bilang si "Idol" at "Jukebox King" dahil sa sunod-sunod niyang hit songs.--FRJ, GMA News