Ang pelikulang “Mindanao” ni direk Brillante Mendoza ang napiling pambato ng Pilipinas sa 2021 Academy Awards International feature film category.
Ang naturang pelikula ay pinagbidahan nina Judy Ann Santos at Allen Dizon, at tumanggap ng maraming parangal sa 2019 Metro Manila Film Festival, kabilang ang Best Picture.
Ang Film Academy of the Philippines na nag-anunsiyo ng balita nitong Martes, binati sa pamamagitan ng social media si Mendoza at mga artistang kasama sa pelikula.
"We are pleased to announce the selection of the feature film, Mindanao, as the Philippines' official entry to the 93rd OSCARS International Feature Film category," ayon kay FAP Director General Vivian Velez sa Facebook post.
"Mindanao won best picture in the most recent Metro Manila Film Festival and featured Judy Ann Santos and Allen Dizon as the lead actors, directed by Brillante Mendoza. Congratulations and best wishes!" dagdag niya.
Ang “Mindanao” ay kuwento ng isang Muslim na ina (Judy Ann Santos) na nag-aalaga sa kaniyang anak na may cancer, habang ang kaniyang asawa (Allen Dizon) ay nasa digmaan.
Bukod sa nakamit na parangal na Best Film sa MMFF 2019, itinanghal din na Best Director si Mendoza, Best Actress si Judy Ann at Best Actor si Allen.
Mula nang sumali ang Pilipinas sa naturang Foreign Language Film category ng Oscar, hindi pa nakakapasok ang pambato ng Pilipinas kahit man sa final cut of nominees na limang pelikula.
Noong nakaraang taon, ang pelikulang "Verdict" na naging pambato ng Pilipinas. — FRJ, GMA News