Mas pinagaganda pa ni Dingdong Dantes ang kaniyang delivery app na "Ding Dong PH," na plano na niyang ilunsad sa Nobyembre, para maiwasan din ang mga ginagawang panloloko sa mga rider.
"Alam niyo marami talagang walang puso na ginagawa 'yun para lang manloko ng kapwa. That's why 'yung mga safety measures talagang tina-tighten natin dito sa app na ito," saad ni Dingdong sa ArtisTambayan.
Gagawin daw na automated ang Ding Dong PH para makasigurong nakapagbayad ang customers.
"One way really is to automate everything, especially with the payments. So halimbawa kapag um-order ka, we will make sure that we have all possible payment gateways para doon pa lang matapos na 'yung order mo, para ma-confirm na bayad na and then ide-deliver," anang Kapuso Primetime King.
"Hindi 'yung pagdating [ng rider] doon, hindi pala sa 'yo um-order tapos wala palang ibabayad, 'di ba?" dagdag niya.
Nagkomento si Dingdong matapos mapabalita noong nakaraang buwan na higit sa 10 delivery rider ang na-scam mula sa isang nag-order sa Las Piñas City.
Nabiktima sila ng nagnganglang "AJ Pande" na gumamit ng food delivery service app para makapanloko.
Naulit na naman ang panloloko nitong Oktubre, nang higit sa 10 rider ulit ang biniktima ng isang "Mark dela Cruz."
“May nag-doorbell po kasi ang sabi niya sa akin ‘ma’am, may delivery po kayo, order.’ Sabi ko, ‘kuya, wala akong order sa’yo.’ Sabi niya, ‘nako, ma’am, naloko po kami. Ito po hindi ko na po matawagan.’ Sabi niya, ‘ma’am, marami po kami.’ Sabi ko, ‘anong marami?’ Tapos maya-maya datingan po ‘yong mga delivery,” sabi ng uploader.
Ayon pa sa babaeng uploader, posibleng umabot sa P20,000 ang kabuuang bill mula sa mga order. – Jamil Santos/RC, GMA News