Wagi ang Kapuso programs at ang Kapuso stars sa ginanap na 51st Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation Box Office Entertainment Awards.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing kinilala ang "24 Oras" bilang Popular TV Program para sa News and Public Affairs.
Nakuha naman ni Alden Richards ang Film Actor of the Year Award at ang Phenomenal Star of Philippine Cinema, kasama si Kathryn Bernardo para sa pelikula nilang "Hello, Love, Goodbye."
Ginawaran naman sina Bianca Umali at Miguel Tanfelix ng Most Popular Loveteam for Television.
Itinanghal na "Comedy Actress of the Year" si Maine Mendoza, samantalang "Comedy Actor of the Year" naman si Paolo Ballesteros.
Natanggap din ng "JoWaPao" trio nina Paolo, Jose Manalo at Wally Bayola ang Male TV Hosts of the Year award.
Nakuha naman ni Allan K. ang Bert Marcelo Lifetime Achievement award.
Natanggap ni Gabby Concepcion ang Corazon Samaniego Lifetime Achievement Award, samantalang promising Male Recording Artist of the Year si Anthony Rosaldo.
Samantala, wagi rin ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" sa kauna-unahang Mendiola Consortium TV Awards bilang Best Magazine Show.
Best Documentary Show naman ang "i-Witness," Best Culture and Art Program ang "Biyahe ni Drew" at Best Comedy show ang "Pepito Manaloto."
Educational organization sa bansa ang Mendiola Consortium TV Awards, na binubuo ng limang institusyon kabilang ang San Beda University, Centro Escolar University, La Consolacion College of Manila, College of the Holy Spirit at Saint Jude Catholic School.--Jamil Santos/FRJ, GMA News