Dahil sa personal na karanasan nang lumaban sa cancer ang kaniyang ina, naging adbokasiya ng dating "That's Entertainment" member na si Jennifer Sevilla na magregalo ng wig sa mga cancer warrior, o mga taong nakikipaglaban sa naturang sakit.
Sa digital program na "Bright Side," ikinuwento ni Jennifer na nalugas din ang buhok ng kaniyang ina noong nakikipaglaban ito sa lung cancer at sumasailalim sa chemotherapy.
Nakita raw niya ang saya ng kaniyang ina nang suotan niya ito ng wig.
At dahil mahilig siya sa wig at naging negosyo niya na rin, naging adbokasiya na niya na magbigay ng kaunting saya sa mga taong nakikipaglaban sa cancer sa pamamagitan ng pagbibigay ng wig.
Ikinuwento naman ni Aileen Gaban, isang cancer patient, na hindi naging madali ang chemotherapy para sa kaniyang Stage 3 gestational trophoblastic neoplasia dahil sa pandemya.
Nakadagdag pa rito ang pagkalagas ng kaniyang buhok. Pero hindi siya makabili ng wig dahil sa kawalan ng pera.
Sa pamamagitan ng "Bright Side," magkakaroon ng pagkakataon si Aileen na makausap si Jennifer at maregaluhan ng wig. Panoorin ang nakaaantig na eksena na ikinaiyak sa tuwa ng host ng programa na si Kara David.--FRJ, GMA News