Mula nang ipatupad ang community quarantine, sa Baler, Aurora napili ng pamilya ni Glaiza de Castro na pansamantalang manirahan. At habang nasa probinsiya, bumalik daw sa alaala ng Kapuso actress ang kaniyang kabataan na simple lang ang buhay.
Sa isang episode ng programang "Sarap Di Ba?," ipinakita ni Glaiza ang kanilang simpleng pamumuhay sa probinsiya sa nabili niyang bahay sa Baler.
Kuwento ng aktres, parang bumalik siya sa nakaraan at nanariwa sa kaniyang alaala ang kaniyang kabataan noong simple lang ang pamumuhan nila sa Valenzuela na nagpupunta sila sa ilog at bukid tuwing hapon.
Hindi rin daw naging mahirap para sa kanila ang mag-adjust sa buhay sa probinsiya dahil sanay naman sila dahil simple lang din ang pamumuhuan nila noon.
Natutuwa siya na malaya silang nakakagalaw sa kanilang lugar, sariwa ang hangin at maraming puno, na maganda para sa kaniyang mga magulang na may edad na.
Mas naging interesado raw siyang magluto habang nasa bahay lang, at madalas na nakakapag-workout.
Isa pang ikinatuwa ni Glaiza sa panahon ng community quarantine ang pagkakaroon niya ng sapat na panahon para makasama ang kaniyang mga magulang, makasabay sa pagkain, at makakuwentuhan, bagay na hindi raw niya laging nagagawa noon sa Maynila dahil na rin sa trabaho.
Panoorin ang buhay-probinsiya ni Glaiza sa video na ito.--FRJ, GMA News