Si Myrtle Sarrosa ang naging natatanging Pinay na nakapasok sa Top 100 ng mga manlalaro ng Ragnarok sa Southeast Asia.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras," sinabi ni Myrtle na meron ding Pinoy gamers na nakapasok sa listahan ng Top 100 gamers pero siya lang ang babae.
"Sobrang honor siya kasi last previous seasons walang Pilipino na nakapasok sa top 100s. Tapos 'yung goal ko talaga for this season, basta makapasok ako sa Top 600. Pero together with my teammates and other fellow Filipinos who play together with me, nakapasok kami sa Top 100," sabi ni Myrtle.
Ayon kay Myrtle, nakalaban na rin niya si Alden Richards at ang teammates nito sa Ragnarok. Kaya naman hiling niya na maging magka-team din sila ni Alden sa paglalaro.
"Sana maimbita ko siya to play together with me. I actually played against him. Sayang! I hope next time we can play together naman. Nakakatuwa 'yon! I mean, he's very good din sa mga video games. Nakakatuwa 'yung mga livestream niya. So I hope we could collaborate."
Bukod sa pagiging gamer, aktibo pa rin si Myrtle sa cosplaying.
Ikinatuwa niya na mga Pinoy ang nanalo sa katatapos lang na cosplay competition sa South Korea.
Tinampok pa ang mga nagwaging Pinoy sa Artist Center coolhub kung saan si Myrtle mismo ang nag-host.
"Nakakatuwa 'yon. 'Yung manager nila is actually my friend. Nu'ng nag-start ako back in 2009 'yung kaibigan ko who cosplayed with me there si Liui (Aquino), he is the manager of that team. Nakakatuwa kasi 'yung Philippines before hindi siya as competitive as other countries pero ngayon nag-rank number one na," sabi ni Myrtle.
Sa kabila ng quarantine, excited si Myrtle sa nalalapit na Halloween dahil gustong gusto talaga niya ang mag-cosplay.
Hindi raw magpapapigil si Myrtle na mag-costume sa araw na iyon.
"Magse-self-made na lang ako na costume. And I'm thinking of cosplaying si Naruto. Gagawa ako ng version ko ni Naruto na sexy jutsu version niya. Kasi I love Halloween. 'Yung gagawin ko na lang is mag-cosplay at home and siguro share 'yung experience with friends. Baka gumawa na lang din ako ng Zoom party cosplayers," sabi niya. – Jamil Santos/RC, GMA News