Maghahatid ng kilig at inspirasyon ang ilan sa mga bigating Kapuso stars sa upcoming Kapuso mini-series na "I Can See You" ngayong Setyembre, na kinabibilangan nina Alden Richards at Jasmine Curtis-Smith.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing tampok sa "I Can See You" ang iba't ibang kuwento ng pagmamahal at pag-asa.
Pagbibidahan nina Lovi Poe, Tom Rodriguez at Winwyn Marquez ang "High Rise Lovers," samantalang gaganap naman sa "The Promise" sina Yasmien Kurdi, Andrea Torres, Benjamin Alves at Paolo Contis, na itinuturing kaniyang pinaka-dramatic na role.
Sina Alden, Jasmine at Pancho Magno naman ang bibida sa "Love on the Balcony."
Gaganap si Alden bilang wedding videographer na si Iñigo. Makikilala niya ang karakter ni Jasmine na si Lea, na nurse na nag-aalaga sa ina niyang maysakit.
"Moreover being a story of the current times, siguro 'yung inspiration niya, inspirational kasi 'yung dulo ng prod ng story namin, so it's really about the pandemic, it's really a story about hope, forgiveness, self-discovery, love andiyan 'yan. And 'yung paglaban natin sa pang-araw-araw," sabi ni Alden.
Very honored naman daw si Jasmine na bibigyan niya ng buhay ang role ng isang frontliner.
Na-in love na raw agad si Jasmine sa istorya nang mabasa niya ang script.
"To be able to portray that role lalo na sa panahon ngayon, it's just so minimal, it's so minute compared to what they really are doing sa mundo, sa mga taong nangangailangan ng tulong ngayon sa pandemyang ito. Maraming salamat because they are able to write something so beautifully and present it in a different language, the language of love," sabi ni Jasmine.
Si Pancho naman si Val, best friend ni Iñigo. Ibang-iba raw ito sa mga nagawa na niyang role.
"Optimistic-romantic na parang lahat tayo may soulmate, na laging mabilis ma-inlove. Siguro nakaka-relate dahil siyempre 'pag nai-in love ka nagugustuhan mo na rin ang mga gusto niya," sabi ni Pancho.
Malapit naman sa puso ni Denise Barbacena ang karakter niya bilang isa ring nurse na kaibigan ni Lea.
"Very much close sa aking puso dahil matagal akong nag-aral sa course na medical technology and I have friends na frontliners, mga nurses, even doctors. So very personal siya sa akin," sabi ni Denise.
Si Shyr Valdez ang magiging maysakit na ina ni Iñigo, na inaalagaan ni Lea.
"Makikita nila dito na kahit mahirap ang buhay, iba pa rin 'yung 'pag na-in love ka, iba pa rin 'yung merong nagpapakilig sa'yo, meron kang tinitingnan tomorrow na panibagong inspirasyon para sa'yo tsaka sa pamilya mo," sabi ni Shyr.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News