Dahil sa personal na dahilan, nagbitiw bilang chairman emeritus at director ng ABS-CBN Corp. si Eugenio "Gabby" Lopez III, ayon sa inilabas na pahayag ng kompanya ngayong Huwebes.
Sa regulatory filing, sinabi ng ABS-CBN na inihain ni Lopez ang kaniyang pagbibitiw ngayong Huwebes, Setyembre 24, 2020, at epektibo rin sa nabanggit na araw.
"Mr. Eugenio 'Gabby' Lopez III, today, tendered his resignation for personal reasons as Chairman Emeritus and Director of ABS-CBN Corporation," ayon sa kompanya.
Inihalal naman ng Board of Directors si Mario Luza Bautista, ang general counsel ng kompanya, bilang director na papalit sa nabakanteng puwesto ni Lopez.
Miyembro ng board of advsisors ng kompanya si Bautista mula pa noong 2011. Nagsilbi rin siyang board adviser ng First Philippine Holdings Corp., at founding partner ng Poblador Bautista and Reyes Law Office, kung saan naging managing partner siya mula noong 1999.
Matatandaan na nitong nakaraang Hulyo ay nagdesisyon ang House Committee on Legislative Franchise na ibasura ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa panibagong prangkisa para makapag-operate.
Kasunod nito, naglabas ng kautusan kamakailan ang National Telecommunications Commission (NTC) na bawiin na ang mga frequency at channel na nakatalaga sa ABS-CBN Corp.--FRJ, GMA News