Mas naging close at nakaka-bonding pa ngayon ni Edgar Allan "EA" Guzman ang kaniyang Mommy Sarrie matapos niya itong tulungan para maging online business ang specialty nito na adobong tuyo.
"Gigising ako ng 7 a.m. para magluto na, si mommy kasi 'yung talagang magtitimpla ng lahat ng orders tapos tutulungan ko siya sa paghahalo, sa pagluluto, ako 'yung nakatoka doon. Tapos sa pagwe-weigh ng grams ng adobong tuyo," kuwento ni EA sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes.
Nakakabayad din daw ng monthly bills ang bagong business venture ni EA. Pero higit sa lahat, naging mas malapit pa siya sa kaniyang ina.
"Before busy ako sa schedule, sa taping. Uuwi ako ng bahay luto na 'yung mga pagkain. Ngayon sa bahay kahit wala kaming adobong tuyo, wala kaming mga orders, kumbaga sa kusina tinutulungan ko siya. Nakaka-bonding ko na si mommy pagdating sa kusina," anang Kapuso actor.
Maliban sa adobong tuyo food business, ilulunsad na rin ni EA ang kaniyang clothing line.
"Kapag nagpo-post ka ng OOTD sa social media mo nakikita nila 'yung mga shirts, kung paano 'yung porma mo. So maraming nagtatanong na, 'uy saan mo nabili 'yung shirt?' So ang naisip ko, bakit hindi ako magtayo or mag-business sa clothing line na ako mismo 'yung pipili ng tela ng shirt, ako mismo 'yung pipili ng design," sabi ni EA.
Wala man siyang background sa pagnenegosyo, malakas daw ang loob ni EA dahil sa paggabay ng kaniyang mga kaibigang negosyante.
"Hangga't maaga gawin na natin kung gusto nating mag-business, gawin na natin, kung susugal tayo, sugalan natin. Puso lang, tiwala lang sa gusto mong mangyari, tiwala lang sa goal mo sa buhay."
May ilang "new normal" showbiz guestings rin si EA sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Matapos gumanap sa episode ng "Magpakailanman" bilang gay husband, mapapanood naman si EA sa "The Boobay and Tekla Show" at "All Out Sundays."
"May matindi kaming sayawan nina Rayver at ni Mark Herras," sabi ni EA. – Jamil Santos/RC, GMA News