Dahil halos limang buwang hindi nakapagtrabaho dahil sa COVID-19 pandemic, hindi naiwasan ni Kate Valdez na makaramdam ng takot at kaba sa pagbabalik-taping niya sa "Anak ni Waray vs. Anak ni Biday."
"Sa totoo lang, medyo nangangapa po ako dahil para akong bumalik sa umpisa, like from the start ng taping day, parang mag-uumpisa pa lang ulit 'yung show. Tatanungin ko 'yung sarili ko 'Paano ulit umarte?,'" kuwento ni Kate sa Kapuso Showbiz News.
"May part sa akin na nagse-shake ako noong nag-take kami last time. Sabi ko "Bakit ako kinakabahan?' 'Yun pala siyempre meron ngayong nangyayari, hindi na ganoon katulad before 'yung aming set and kung paano kami mag-interact sa co-actors namin," sabi pa niya.
"Parang back-to-zero 'yung acting skills ko, parang babalik ako sa umpisa, which is ang hirap po."
Nakatulong daw sa pag-warm up ng cast ang direktor na si Aloy Adlawan, pati na rin ang kanilang bonding kahit saglit lang.
"Konting tsika, which is nakakatulong para ma-release mo 'yung stress, 'yung kaba sa set, lalo na ako nerbiyosa ako," natatawang sabi ng Kapuso actress.
Kumpara sa dati, mas mabilis daw ang kanilang shooting ngayon dahil may mga safety protocols na kailangang sundin dulot ng pandemic.
"Before, twice pa kaming magre-rehearse, first 'yung throw lines, second 'yung rehearsal. Ngayon magkasunod na siya so dapat 'pag nasa set ka na, alam mo na 'yung lines mo para mabilis 'yung process ng pag-take," sabi ni Kate.
"Nakaka-pressure po kasi parang ayaw mo nang magkamali, 'Sige i-take na natin ito, ayoko nang magtagal sa set! Nakakakaba, which is fun naman dahil hindi po kami nale-late rin," patuloy niya.
Kasama ni Kate sina Barbie Forteza, Snooky Serna, Dina Bonnevie, Migo Adecer at iba sa Anak ni Waray vs. Anak ni Biday na mapapanood sa GMA Telebabad.-- FRJ, GMA News