Matapos magpositibo sa COVID-19, inilahad ni Maureen Larrazabal na tinutulungan siya nina Michael V., isang COVID survivor, at ng kaniyang "Pepito Manaloto" family para tumatag ang kaniyang loob.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing kasalukuyan pa rin siyang naka-self isolate matapos magpositibo sa virus.

Ayon kay Maureen, huling linggo ng Hulyo pa raw siya nakaramdam ng sintomas ng COVID-19.

"Ang symptoms na naramdaman ko, nawalan ako ng pang-amoy and ang sakit-sakit ng ulo ko for three days. Since alam ko na that 'yung dalawang 'yon is sign or symptoms siya ng COVID, what I did was in-isolate ko na 'yung sarili ko," kuwento ni Maureen.

Hindi na raw siya nagpa-swab test ngunit sumailalim pa rin siya sa quarantine pa ng tatlong linggo para hindi mahawa ang kaniyang pamilya.

Matapos ang isang buwan na wala na siyang nararamdamang ano mang sintomas, nagpa-swab test si Maureen noong Agosto 25, na kasama sa protocol sa pagbabalik-taping sa Pepito Manaloto.

Ngunit hindi niya inasahang na muli siyang magpopositibo sa COVID-19.

"Lumabas na may traces pa of the virus inside my body. Pero this time, wala akong nararamdaman, that's one possibility. Another possibility is, na-reinfect ako, because I'm still positive," kuwento ng aktres.

Naging support group naman ni Maureen sina Bitoy at ang kaniyang costars sa Pepito Manaloto.

"Sila and si Ayo, 'yung wife mismo ang tumatawag sa akin to tell me what to do, what to drink, how to deal with it. Every day, as in literal every day. Sila and also si Ms. Mosang of Pepito Manaloto, they call me every day, they comfort me every day, checking up on me every day."

Pinananatili ni Maureen ang kaniyang positibong mindset, na bukod sa healthy eating, pag-inom ng vitamins at home remedies, tuloy-tuloy din ang kaniyang active lifestyle.

"I lift weights, I do yoga, I do strength training, I also do cardio, I do everything, lahat. Like I wake up at six in the morning and start working out until mga two, three hours. Wala na akong nararamdamang hapo at all," sabi ni Maureen.

Huling araw na ng quarantine ni Maureen ngayong Huwebes at umaasa siyang COVID free na siya pati ang pamilya na naka-schedule para sa swab testing. – Jamil Santos/RC, GMA News