Kasabay ng kaniyang pag-anunsyo na nararamdaman na niya ang lubos na paggaling, inihayag ni Michael V. na kailangang pa ring labanan ang kalungkutan kahit may nararanasang pandemyang dulot ng COVID-19.
"Right now I think I'm close to a 100% na. 'Yung last na interview ko with Howie Severino medyo nahihirapan pa akong huminga na parang masikip pa 'yung lungs ko. Pero ngayon nakakabawi-bawi na tsaka tuloy pa rin 'yung exercises," sabi ni Michael sa panayam sa kaniya ng GMA Regional TV.
Sinabi ni Michael na nakaramdam siya ng takot nang makuha ang sakit, lalo nang mawala ang kaniyang pang-amoy at panlasa.
Pero dahil sa suporta ng kaniyang pamilya, pati na rin ang panalangin ng mga tao, nakayanan ni Bitoy ang kondisyon kahit naka-isolate.
"I would say mas naging spiritual ako during that moment dahil du'n sa mga messages na 'yon na pinaparating sa akin ng mga tao," sabi ng Kapuso comedy genius.
Nauna nang inilahad ni Michael na may alinlangan pa siyang bumalik sa taping, alang-alang na rin sa kaniyang mga katrabaho.
Ang kaniyang vlog daw ang paraan ni Bitoy para makapagbigay ng "preview" sa mga maaari niyang gawin ngayong home quarantine.
"Kagaya ng natutunan ko, isa sa mga paraan para matalo itong pandemya is not just to be fit physically kundi mentally din and spiritually," sabi ni Bitoy.
"Hindi naman porke mayroong pandemya, kailangan nang malungkot," saad niya. "Tayong mga Pilipino, talagang fighters tayo. Kung magtutulong-tulong tayong lahat at kung sama-sama nating gagawin 'yung mga dapat nating gawin para matalo itong mga problema na ito. I'm pretty sure, sandali lang 'yan, maa-achieve na natin 'yung goal natin na 'yun."--FRJ, GMA News