Inilahad ni Katrina Halili na nagkaroon din siya ng adjustments sa online classes ng kaniyang anak na si Katie.

"Medyo nangangapa-ngapa pa rin kami. And si Katie hindi siya sanay na online na talaga 'yung pag-aaral niya. Pero okay lang kasi start pa lang naman,"  sabi ni Katrina sa panayam sa kaniya ng GMA Regional TV.

Para kay Katrina, nadagdagan ang tungkulin ng mga magulang dahil mas kailangan nilang gabayan ang kanilang mga anak sa "new normal" na ito ng edukasyon dahil sa COVID-19 pandemic.

"Siguro mas malaking trabaho sa parents. Kasi 'yung assignments nila, parang may mga Google classroom sila, doon itse-check lahat. Kailangan talaga siyang 100% na tutukan," sabi ng Kapuso actress.

Kaya pakiramdam daw ni Katrina, para na rin siyang bumalik sa pag-aaral: "Feeling ko ako 'yung naka-enroll, parang gano'n."

Pero kailangan daw harapin ang ano mang mga hamon na ibinibigay ng pandemya.

"Dahil hindi nga talaga puwede 'yung face to face, which is talagang mas okay kay Katie 'yung face to face, pero sa ngayon kailangan natin i-embrace muna kung ano 'yung new normal," saad niya.

"Happy na rin ako at least may ways para matuto si Katie. Siyempre parang ako na rin 'yon, parang parehong nag-enroll," sabi pa ni Katrina.

Mensahe niya naman sa mga katulad niyang mommies, "Kapit lang, kaya natin to mga mommies. Huwag nating pababayaan ang ating mga anak."-- FRJ, GMA News