Parehong hands on daw sa pag-aalaga sina Max Collins at Pancho Magno sa kanilang first baby na si Skye Anakin. Pero sulit naman daw ang kanilang pagod at puyat kapag nakita nila ang adorable smile ng bata.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing isang buwang gulang na ang unico hijo nina Max at Pancho.

Madalas na makita ang mga cute photo ni Baby Skye sa Instagram ng mag-asawa.

Pinagtutuunan ni Max ang pagiging breastfeeding mommy, na sinabing hindi raw madali na maging ina dahil kailangan din niya ng panahon sa sarili.

Nakakatulong ang pag-pilates ni Max sa kaniyang pisikal na kalusugan, na kasinghalaga rin ng kaniyang mental health.

Samantalang si Pancho naman ang gumagawa ng daddy duties tulad ng pagpapa-burp at pagpapalit ng diapers.

"Lagi siyang nakadikit, sobrang mama's boy eh. Pero pagka ako ang nagpapaligo, nagpapalit ng diaper, tina-try ko kung ano man 'yung magagawa ko except sa breast milk, ako na lahat siguro doon sa mga bagay na 'yon," biro ni Pancho.

Kaya naman napapa #SkyeIsTheLimit sina Max at Pancho kapag nakikita nila ang adorable na ngiti ng kanilang baby.

"Pinag-uusapan nga namin, 'Buti artista tayo kasi sanay tayo sa puyatan.' Which is nakakatuwa naman," anang Kapuso actor.

Nakatakda na ring sumabak si Pancho sa trabaho, kaya inihahanda na niya ang sarili dahil may iiwanan at babalikan siyang pamilya.

"Nandoon 'yung hindi mo alam kung ano ang mangyayari, nakakatakot but nag-swab testing kami and I do take my vitamins regularly. Nag-e-exercise, siyempre kailangang maging healthy lalo na may baby ngayon na sobrang healthy na walang ginawa kundi kumain lang tsaka umiyak," biro ni Pancho.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News