Dahil sa COVID-19 pandemic, nagpasya ang magkasintahang Kris Bernal at Perry Choi na ilipat ng schedule ng kanilang kasal sa 2021.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nakatakda sanang ikasal sina Kris at Perry sa kalagitnaan ng susunod na taon.
"May 2021, mamu-move siya to end of 2021," pagbahagi ni Kris.
Naging engaged sina Kris at Perry nitong nakaraang Pebrero.
Matatandaang si Kris ang naghanda ng birthday surprise para kay Perry, pero siya pa ang higit na nasorpresa nang mag-propose na sa kaniya ang nobyo.
Tatlong taon nang magkarelasyon sina Kris at Perry, na nagsimula dahil sa kanilang love for food.
Sa ngayon, balik-trabaho bilang artista si Kris para sa isang episode ng "Wisk Ko Lang," kasama si Ahron Villena.
Pareho raw nanibago sina Kris at Ahron sa kanilang muling pag-arte matapos ang limang buwan na bakasyon dahil sa community quarantine.
"Ang tagal kong hindi nagte-taping, na-excite din ako at natakot. Pero alam ko naman na GMA will take care of us and they also follow the safety measures and protocols so feel ko naman wala namang magiging problema," sabi ni Kris.
"Nami-miss ko rin naman eh. At the same time parang nangangapa na naman ako kasi siyempre first taping ko ulit ito," sabi ni Ahron.
Gagampanan nina Kris at Ahron ang papel ng mag-asawa kung saan isang battered wife si Kris.
"Binubugbog ako ng asawa ko. And then I met another man who takes care of me and talagang mahal ako. Tapos may trahediyang nangyari. So nandu'n na 'yung drama," sabi ni Kris.
Kinailangan pa nina Kris at Ahron na ikondisyon ang kanilang mga sarili dahil sobrang madamdamin at mabibigat ang mga eksena.
"Siyempre ang tagal kong hindi umiyak. So para akong nag-a-acting workshop ngayon," natatawang sabi ni Kris.
"Bad boy na naman, nambubugbog ng asawa, siyempre role lang naman 'to eh. Sa totoong buhay naman hindi naman ako nambubugbog talaga," sabi ni Ahron.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News