Kahit papagaling na mula sa COVID-19, hindi pa raw kumportable na bumalik sa taping si Michael V. dahil iniisip niya rin ang kapakanan ng kaniyang mga katrabaho.
"At this point, ipinaalam ko na rin 'yan sa management na hindi pa ako kumportable," saad ni Bitoy sa "Quarantined with Howie Severino."
Ang kaniyang vlog daw ang paraan ni Bitoy para makapagbigay ng "preview" sa mga maaari niyang gawin ngayong home quarantine.
"And 'yung mga ginagawa kong vlogs, parang preview nu'ng mga puwede kong gawin dito sa bahay so kung sakaling mag-require sila ng mga segment, sketches galing sa akin, ito na 'yung parang sagot na 'O, ganito na lang muna ang gagawin ko. Ito muna ang i-expect niyo,'" saad ng comedy genius.
Para kay Michael, mas makabubuting lumiban muna siya sa taping alang-alang na rin sa kaniyang mga katrabaho, kabilang na ang cast ng Bubble Gang at Pepito Manaloto.
"Kasi ako hindi man para sa akin, para na rin du'n sa mga kasamahan ko na makakatrabaho ako na para sa akin, hindi worth 'yung risk. Parang hindi siya pantay ru'n sa mage-gain mo out of going back to the job and shooting sa studio," sabi ni Bitoy.
"'Yun ang paniniwala ko ah, pero may mga ibang tao na iba ang paniniwala na kailangan din nating irespeto. So antayin na lang muna natin ang resulta. Basta ako hindi muna ako magshu-shoot," dagdag pa niya.
Pagaling na raw si Bitoy mula sa COVID-19, ngunit hindi pa 100% ang paggaling ng kaniyang baga.
"Overall I'm good pero 'yung lung capacity, parang napansin ko kagaya nu'ng ibang mga naging pasyente rin, naging biktima rin ng COVID, parang hindi pa nakaka-100% 'yung lung capacity ko. Medyo madali pa rin ako hingalin," sabi ni Michael sa kapwa niya COVID-19 survivor ngayon na si Howie Severino.
"'Yun na lang siguro dahil feeling ko nag-peklat 'yung lungs ko eh, kaya medyo mahirap siyang mag-expand ngayon at hindi pa 100% 'yung lung capacity."
Hindi pa rin daw normal ang kaniyang pang-amoy.
"Honestly, hanggang ngayon hindi pa bumabalik 100% 'yung pang-amoy ko. Nakakaamoy na ako, pero parang mali pa rin 'yung naaamoy ko minsan. 'Yung amoy ng isang bagay na ine-expect mo na 'yun ang amoy niya, parang hindi pa rin 'yun 'yung rumerehistro sa ilong ko at sa utak ko," ani Bitoy. —LBG, GMA News