Inilahad ni Alden Richards na nakaranas din siya ng anxiety nang dahil sa COVID-19 pandemic. At bagaman nakatulong daw sa kaniya ang online games para malampasan ang anxiety, pinayuhan niya ang ibang may pinagdadaanan ngayon na makipag-usap sa Diyos.

"Yung first week po ng lockdown parang wala pa pong effect nung pumapasok na yung second week, third week, sabi ko hindi na normal," saad ni Alden sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho."

Ayon pa sa Kapuso actor, nagsilbing outlet niya ang paglalaro ng online games upang kayanin ang anxiety.

Pero nang hingay siya ng mensahe sa mga taong may pinagdadaanan ngayon, sinabi ni Alden na patuloy na kausapin ang Diyos at ilabas ang bigat ng kalooban na kanilang nararamdaman.

"Huwag niyo pong tatanggalin yung ugali ng pagdarasal. Kausapin n'yo po ang Diyos. Napakasarap kausapin po ni Lord," sabi ni Alden na lagi raw ginagawa kapag nag-iisa lang siya.

"Yung tenga naman po ng Diyos laging bukas 'yan. Sabihin mo lang lahat ng nasa loob mo para gumaan," payo pa niya sabay pahiwatig na hindi dapat kinikimkim ang bigat na nararamdaman.

Kasabay nito, ipinaliwanag naman ng isang  psychiatrist na bukod sa pagkakaroon ng makakausap, nakatutulong din ang pagkakaroon ng hobby o libangan ngayong may pandemic upang mapaglaban at malampasan ang anxiety.

Samantala, tinuruan naman ni Alden si Jessica Soho na maglaro ng Mobile Legends at inilahad ng aktor kung magkano ang kinikita niya sa pag-streaming ng laro.

At dahil nag-trending noon ang #pautangalden nang makita ng netizens ang astig niyang computer setup, natanong si Alden kung may umutang nga ba sa kaniya at handa kaya siyang magpautang? Alamin ang kaniyang sagot sa video.
--FRJ, GMA News