Ibinebenta ni Yexel Sebastian ang kaniyang Hall of Armor Iron Man sa halagang P1.4 milyon. May nakalaan din na malaking halaga sa makatutulong sa kaniya na maibenta ang naturang koleksiyon.
Sa Facebook post ng toy collector at curator na si Yexel, sinabi niyang "negotiable" pa naman ang presyong binanggit niya para sa koleksiyon niyang Iron Man Mark 1 to 7.
"Good as new. Di-display mo na lang," saad niya.
Ang makatutulong umano sa kaniya na maibenta ang koleksiyon, makatatanggap naman ng P40,000.
"Kapag ikaw nakabenta o refer P40k sa yo, basta sabihin ng buyer na ikaw ang nag-refer sa kanya," patuloy ni Yexel.
Bukod sa pagiging TV and internet personality, may toy museum sa Las Pinas si Yexel.--FRJ, GMA News