Dinala sa ospital nitong Martes si Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., na unang naka-isolate matapos magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa Facebook post ng kaniyang maybahay na si Bacoor City Mayor Lani Mercado-Revilla, sinabing lumitaw sa isinagawang X-ray sa senador na nagkaroon na siya ng pneumonia kaya hindi na puwedeng i-isolate lang siya sa bahay.

“Father God please help my husband… Hospital care [is] badly needed. Father we lift him up to you,” ayon kay Lani.

Ayon sa isang staff sa Senado, sa isang ospital sa Metro Manila dinala si Bong.

Nitong nakaraang Agosto 9, nag-isolate si Sen. Bong nang makaramdam ng sintomas ng sakit at kinalaunan ay nagpositibo sa COVID-19.

Ibinahagi rin ng senador ang kaniyang mga nararamdaman habang naka-isolate. Kabilang na rito ang hirap umano niya sa paghinga.

BASAHIN: Bong Revilla sa epekto ng COVID-19: ‘Giniginaw ako. Nagchi-chills ho ako’
 

Nabanggit din niya na panibagong pagsubok para sa kaniya ang paglaban sa COVID-19 matapos na pumanaw nitong nakaraang buwan ang kaniyang ama na si dating senador at aktor na si Ramon Revilla Sr. — FRJ, GMA News