Ang pagkahilig ni EA Guzman sa masarap na adobong tuyo ng kaniyang ina ang nag-udyok sa kaniya na gawing business ang specialty ngayong panahon ng pandemic.

“Hindi pa ako artista ’yan na ’yung ulam namin, ’yan na ’yung paborito kong ulam. Tapos during quarantine, siguro mga two months ago, nagluluto nga kami, napaisip kami kasi nga ang ano natin ngayon is online business, small business,” kuwento ni EA sa Kapuso Showbiz News.

“So naisip namin na ‘Bakit hindi natin ibenta or gawing business ’yung adobong tuyo mo mommy?’ sabi ko sa kaniya. Kasi sobrang sarap talaga. At kapag ’yun ang ulam ko nakakadalawang kanin ako. Sorry pero totoo lang,” pagpapatuloy ng aktor.

Dahil dito, nagplano raw silang magkakapatid sa pagsisimula ng kanilang business.

Ayon kay EA: “Talagang si mommy, specialty niya talaga, siya lang din talaga ’yung nakaisip. It’s pork, it’s meat so hindi siya ’yung ’pag sinabi mong tuyo is isda, tuyo, no. It’s pork. Kaya siya naging adobong tuyo kasi wala siyang sabaw, para lang deep fried, and at the same time meron siyang crispy garlic and konting oil.”

 

 

Gustong gusto aniya ni EA ang adobong tuyo ng kaniyang ina dahil napapasarap ang kain niya kapag ginagawa niyang sarsa ang oil at garlic nito sa kanin.

“Si mommy naman kasi hilig niya rin talaga magluto. Hilig niya talagang paglutuan kami, siya talaga ’yung naka-focus, nakatutok doon sa pagluluto kung ano ang kakainin namin. Kasi siyempre as a mom gusto niya ’yung pagsisilbihan niya ’yung mga anak niya.”

Kapampangan ang ina ni EA, na mga kilala sa masasarap nilang luto. Samantalang Ilonggo naman ang kaniyang tatay na mahilig ding magluto.

“Noong mga bata kami, kahit mahirap lang kami, lagi naman kaming busog.” – Jamil Santos/RC, GMA News