Ipinahayag ni Film Development Council of the Philippines (FDCP) chair Liza Diño kahandaan niyang makausap ang spokesperson ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na si Celine Pialago, kaugnay sa usapin ng executive committee membership ng Metro Manila Film Festival (MMFF).
Ayon sa ulat ni Lhar Santiago sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing nabigla si Liza nang malaman niyang tinanggal na siya sa pagiging miyembro ng executive committee ng MMFF, na pinamamahalaan ng MMDA.
Nitong nakaraang Biyernes daw nakatanggap si Liza ng sulat na galing kay MMDA chairman Danilo Lim, na nag-aalis sa kaniya sa MMFF, ang namamahala sa taunang film festival tuwing Disyembre.
“Very offended and very disappointed kasi the wordings, it was a very strongly worded document. Bilang ahensiya at ang nirerepresenta ko ay isang institusyon so hindi rin maganda na napaka-personal nung mga atake,” pahayag ni Liza.
Sa Facebook post naman ni Celine, sinabing matagal na raw pinag-iinteresan ni Liza ang MMFF dahil nais umano ng huli na malipat sa pinamamahalaan nitong FDCP ang MMFF mula sa MMDA.
Kasama sa post ni Celine ang umano'y mungkahi ni Liza sa pagpapalipat sa MMFF.
Ngunit ayon naman kay Liza, noong 2017 pa ang sulat.
“Nakatanggap po tayo ng mga ganitong letters na nagla-lobby po na malipat ang kapangyarihan ng MMFF sa FDCP. Normal lang po na maging reaksyon ko na ipagtanggol ko ‘yung aking ahensya,” ani Celine.
“‘Yun lang naman po. Hindi ko po pinepersonal si Ms. Liza Diño, hindi ko po pinepersonal and FDCP,” idinagdag niya.
Sa kabila nito, inihayag ni Liza ang kahandaan na makausap si Celine para linawin ang usapin. Bukas naman sa pakikipag-usap din si Celine.
“Sana magkita kami. At alam ko beauty queen siya so baka may commonality doon; na at some point in my life, naging beauty queen din ako. Sana magka-ano...sana makapag-usap kami,” ani Liza.
Sabi naman ni Celine, “Wala pong problema doon. I think naman, ang tingin ko naman po kay Ms. Liza Diño ay isa rin namang kaibigan at kasamahan po sa gobyerno. Sino-sino naman po ang magtutulungan kundi kami kami lang.”
Samantala, sinabi ni Noel Ferrer, tagapagsalita ng MMFF, na nakatakda na nilang ihayag ang mga magiging miyembro ng executive committee, kabilang ang papalit kay Liza.
"One of the them is major ano...very respected member of our industry," saad ni Noel, sabay sabi na pinadalhan na nila ng sulat ang naturang magiging bagong miyembro ng execom.
Kasabay nito, bagaman hindi pa tiyak kung ano ang mangyayari sa Disyembre na buwan ng pagpapalabas sa mga sinehan ng mga pelikulang kalahok sa MMFF dahil na rin sa COVID-10 pandemic, tuloy-tuloy lang ang paghahanda ng organisasyon.
Kasama rito ang pagpili ng mga pelikulang mapapabilang sa naturang film fest.--Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News