Game na sumabak si Solenn Heussaff sa horror series na “Quarantina Gothika” at mag-isa niyang kinunan ang kaniyang mga eksena gamit lang ang cell phone.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News “24 Oras Weekend,” sinabing hindi na nagdalawang isip pa si Solenn sa pagtanggap sa proyekto, lalo’t parang tatay na ang turing niya sa direktor na si Peque Gallaga.
Nagsisilbing pagpupugay ang Quarantina Gothika kay “Master of Horror” late director Peque Gallaga, na pumanaw nitong Mayo.
“Literal, as in mag-isa, mag-isa sa bahay. It’s all about how being alone can change your mood. And siyempre naman, nakakabaliw din itong quarantine na ito, a lot going through your mind. It’s very easy to go in a downhill spiral,” sabi ni Solenn.
“[C]hallenge accepted. Self-shot from home in this new normal. Three women under lockdown … and in peril,” caption naman ni Solenn sa kaniyang Instagram.
Sa Agosto 1 ang digital release ng series ng 7 p.m. sa Remembering Peque Gallaga Facebook page. – Jamil Santos/RC, GMA News