Dahil sa lumabas na "fake news" na pumanaw siya dahil sa COVID-19, sinabi ng Kapuso comedy genius na si Michael V na may mga direktang nagpadala pa sa kaniya ng mga mensahe para magtanong kung totoo na wala na siya.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing hindi magandang biro ang naturang "fake news" at hindi nakatutulong sa kalagayan ng aktor.

"Maraming salamat dito sa interview na ito, at least makukumpirma na nila [na buhay ako]," ani Michael V o Bitoy.

"Actually ang nakakainis pa nu'n eh, mine-message pa ako directly tinatanong ako. Hindi ko malaman kung sasagutin ko ng ghost emoji o ano eh," natatawang dagdag ng komedyante.

Samantala, buong-puso namang ang pasasalamat ni Bitoy mula sa mga natatanggap niyang pagmamahal at dahil ngayong dumaranas siya ng isa sa mga pinakamatinding pagsubok sa kaniyang buhay.

"Actually, mahirap talaga. Malungkot talaga. Hindi niyo alam ang pagpapasaya na naidulot niyo sa buhay ko tsaka 'yung mga dasal niyo. It's very effective," sabi ni Bitoy.

Patuloy pa rin na naka-isolate si Bitoy sa kaniyang pamilya sa kanilang bahay habang nagpapagaling at pinalalakas niya ang kaniyang resistensiya.

"Hot lemon and ginger 'yun ang ini-inhale ko. Basta kahit anong advice nga ng mga kakilala namin tina-try na namin eh, wala namang mawawala... Lagi nga akong naglalakad kasi mahirap din daw pagka 'yung lagi kang nakahiga at palagi kang nakaupo man lang. Basta be active pero hindi sobra, hindi 'yung to the point na papagurin mo 'yung sarili mo," paliwanag niya.

Ayon pa kay Bitoy, nabawasan na sa ngayon ang kaniyang lagnat.

"Mabilis pa rin akong mapagod. Although hindi naman ako nahihirapan ng paghinga, 'yung pagod ang medyo mabilis. I am getting better. Hindi pa rin 100% pero we're getting there," saad niya.

Naging humbling experience daw sa kaniya ang COVID-19 dahil nakita niya ang pinakamahalaga para sa kaniya--ang kaniyang pamilya.

Sa kuwarto kasi na kaniyang kinaroroonan, nandoon ang mga bagay na simbolo ng kaniyang mga pinangarap.

"Lahat naman ng kailangan ko, lahat ng gusto ko nandidito, parang naging meaningless lahat. The only thing I needed is my family," ayon kay Bitoy.--Jamil Santos/FRJ, GMA News