Inihayag ng Kapuso comedy genuis na si Michael V o Bitoy, na nagpositibo siya sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). Kabilang umano sa mga sintomas na naramdaman niya ang pagkawala ng kaniyang pang-amoy.
Ibinahagi ni Bitoy ang kaniyang pakikipaglaban sa virus sa kaniyang vlog na ipinost ngayong Lunes.
"Siyempre nag-isolate na kagad ako, nag-quarantine na kagad ako. I took medicine nagpa-check up ako sa doctor online. I got better the following day," saad niya.
Bukod sa pagkawala ng kaniyang pang-amoy, nilagnat din umano siya at nawalan ng panlasa.
"Wala akong maamoy ngayon, kumuha ako ng mga strong na perfume na normally ginagamit ko — alcohol, eucalyptus food — medyo weird. Wala akong masyadong maamoy," kuwento ng komedyante.
Ayon sa aktor, naging mahigpit naman sila ng kaniyang pamilya sa pagsunod sa protocol para makapag-ingat sa virus.
"We've been really strict about safety. 'Yung social distancing pina-practice namin yun, yung PPEs, every time we go out and interact with other people and 'pag lumalabas kami, normally nga halos wala talaga kaming labas eh. Very, very minimal yung times na lumabas kami," kuwento niya.
Aminado rin si Bitoy na nag-aalala siya hindi lang sa kaniyang sarili kung hindi maging sa kaniyang pamilya, lalo pa't hindi niya alam kung ano ang sunod na mangyayari.
"I'm worried not just for myself pero para din sa pamilya ko but with prayers and with God's help, I think we can go through this. I think it's gonna be OK," patuloy ni Bitoy.
Hindi rin maalis ni Bitoy ang malungkot dahil hindi siya makalapit sa kaniyang pamilya ngayong nakahiwalay siya ng kuwarto.
"Nakakainis lang na ang lapit-lapit lang nila na sa kabilang kwarto lang and yet 'di mo sila mahawakan. Hindi mo sila mahalikan. I feel bad but kaya. Hopefully, we'll get through this and hopefully everything will be OK. We'll see," naiiyak niyang sabi.
Nasa ikalimang araw na siya ng isolation nang magpa-test na rin ang kaniyang asawa't mga anak.
Bagaman bumaba na sa 37 degrees ang kaniyang lagnat, nakararamdam pa rin daw siya ng sintomas ng trangkaso.
"May slight body pains pero very, very slight eh. Hindi naman nakakaapekto sa galaw ko pero pinaka bad trip talaga yung nawala yung pang-amoy ko," pagbahagi pa ni Bitoy.
"Tsaka nakakapraning kasi kung nandito siya sa nasal area kung may virus diyan parang ang lapit sa utak, so mahirap. Baka sabi pa naman nung iba masustansya yung utak ko, mataba yung utak ko baka pagpiyestahan ng mga virus eh," kuwento pa niya.
Pero paalala ni Bitoy, hindi biro ang COVID-19.
"Hindi biro itong mga nangyayaring ito. I wish hindi niyo balewalain yung mga nararamdaman niyo. Sundin pa rin natin protocols ng social distancing, PPE, 'wag ng makipag-interact masyado sa iba kasi di natin alam sino yung carrier," payo niya.
Ayon kay Bitoy, mahigit P12,000 ang kaniyang buong COVID-19 test na tumagal ng limang oras.
Sa ika-anim na araw ng kaniyang isolation, ipinakita ni Bitoy ang kaniyang gamit sa pagkain. Pero hindi pa rin daw niya malasahan ang kaniyang kinakain.
"Feeling ko at this stage, na nawawala yung lasa dito nila nawawalan ng gana kumain kasi parang hindi kumpleto yung ginagawa mo pero hindi mo maamoy and hindi mo malasahan and yet kailangan mo kumain para malabanan mo yung virus so kain lang," saad niya.
Nalaman daw niya na positibo siya sa virus sa ikawalong araw ng kaniyang isolation,
"SARS-CoV-2 (causative agent of COVID-19) viral RNA detected so it's positive, right now fever na lang yung loss of smell na-re-regain ko na siya," kuwento ni Bitoy.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang paglaban ni Bitoy sa virus.
"Alam kong hindi normal yung nawala yung pang-amoy ko and I was counting na may kinalaman talaga yun sa COVID but I was praying na wala. But it turns out... tutuloy lang natin mga sinabi sa atin na kailangan gawin and we'll get through this; we've been through worse. Sobrang nami-miss ko na yung pamilya ko," anang komedyante.--FRJ, GMA News