Hindi raw inasahan ni Jak Roberto na siya ang mapipili na gumanap bilang si DJ Loonyo sa “Magpakailanman.” Pero nang aralin na niya ang karakter ng dancer, doon niya nakita na meron din silang pagkakatulad.
Sa Kapuso Showbiz News, ikinuwento ni Jak na naghanap ang programa ng mga artista na possibleng may similarity din kay DJ Loonyo.
“Sabi po sa akin, noong una nagtaka rin po ako bakit ako, eh sabi ko hindi naman ako masyadong sumasayaw kagaya ni DJ Loonyo,” sabi ni Jak.
“Sabi nila, ‘Oww so ikaw, humble ka pa eh, nakikita namin sa mga Tiktok mo eh sumasayaw ka naman,’” pagpapatuloy ng aktor.
“Hindi nila alam, mga 100 takes lahat ’yun bawat isa bago ma-post kaya nape-perfect. Pero kung isahan lang kagaya ni DJ Loonyo medyo hindi ko gamay ang pagsasayaw,” natatawang sabi ni Jak.
Nang magsuot at mag-outfit na siya bilang si DJ Loonyo, nakita ni Jak na may pagkakapareho rin siya ng tindig sa dancer.
“Ginaya ko lang ’yung post niya na naka-side view ... sabi ko maya-maya nandoon ko nakita na, oo nga ano? Same built, same stand.”
Pinanood daw ni Jak ang lahat ng vlogs at interviews ni DJ Loonyo, pati na kung paano ito magturo ng sayaw at kung paano maglakad.
“Parang ang i-e-effort ko na lang ’yung boses kasi mas du’n kami hindi magkaparehas eh, sa boses niya. Tsaka sa sayaw siyempre hahaha!” sabi ni Jak.
“Sabi ko, bahala na kung ano na lang makayanan sa sayaw pero sa acting, sabi ko, ibubuhos ko du’n, du’n ko na lang ibabawi.”
Inihayag din ni Jak ang natutunan niya sa buhay ni DJ Loonyo.
“Ang natutunan ko sa kaniya, is ’yung paninindigan niya eh tsaka kung ano ’yung nasa isip niyang makakatulong tsaka ’yung tama, ’yun lang ’yung ine-express niya. Kasi ano siya eh, ’yung personality niya is very positive sa lahat ng bagay,” ayon kay Jak.
“Naka-mindset siya na ‘hindi, magiging successful na dancer ako.’ Hanggang sa ayun nga, naging successful na dancer siya. Nag-risk siya na pumunta ng ibang bansa and bilib ako sa pagiging determinado niya sa lahat ng bagay, ’yung pagiging driven niya, and kung paano rin niya hinarap lahat ng pagsubok sa buhay,” sabi pa ni Jak tungkol kay DJ Loonyo.
Ipinanganak sa Cagayan de Oro, sumikat ang dancer, disc jockey at choreographer na si DJ Loonyo o Rhemuel Lunio sa totoong buhay, nang sumali siya sa iba’t ibang dance challenges at ibinabahagi ang mga video niya sa social media.
Matatandaang naging usapan din siya dahil sa mga komento niya tungkol sa “mass testing.”
Mapapanood si Jak bilang si DJ Loonyo sa “Dance King ng Quarantine: The DJ Loonyo Story” ng Sabado, Hulyo 18 ng 8 p.m. sa “Magpakailanman.” – Jamil Santos/RC, GMA News