Naging passion na rin ngayon ni Gladys "Chuchay" Guevarra ang pagluto dahil sa community quarantine. At bukod sa pagluluto, nagbebenta na rin siya ng palitaw.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing iba't ibang flavor ng palitaw ang ibinibenta ng komedyante at hindi niya minamasama kung may tumatawag sa kaniyang "Palitaw Queen."

"Nag-try akong mag-culinary dati pero hindi ako naka-graduate. So bilang tambay-tambay ka naman ng kusina ngayong lockdown, nag-imbe-imbento [ng luto]. Sabi ko, 'Ibenta ko kaya ito?' So binenta ko 'yung palitaw," kuwento ni Gladys.

Umuwi ng Olongapo City si Gladys para makapiling ang pamilya  pero naapektuhan din siya lockdown tulad ng maraming Pilipino.

Ayon kay Gladys, tila roller coaster daw ng mga emosyon na kaniyang naramdaman sa tatlong buwang lockdown.

"Nagpa-panic attacks na ako, nag-a-anxiety [attack] na ako, nade-depress na ako. 'Yung tapings bawal, ang mass gatherings. 'Yung shows sa gabi, Klownz at Zirkoh tingnan mo naman ang inabot namin, nagsara na nga rin. So iniisip namin wala na kaming babalikan," pahayag niya.

Kaya naman naging isang diversion daw para kay Gladys ang pagluluto. Katunayan, siya na rin mismo ang bumibili ng kaniyang mga sangkap sa palengke.

"Naengkuwentro ko sa talipapa, 'yung ako na lang din nagbibiro, 'Ito naman, bakit ano ba kailangan, ano bang criteria para magtinda?' Sabi ko sa kaniya, 'Kailangan ba hindi artista?' Ganoon na lang, binibiro ko na lang sila," kuwento ni Gladys.

May payo rin si Gladys sa mga gustong kumita ngayong umiiral pa rin ang community quarantine.

"Lahat ng puwedeng pagsimulan, fishball, kung anu-anong maliliit na bagay, kasi nga 'di ba 'yung mga mayayaman hindi naman overnight naging mayaman yan 'di ba? Start muna sa maliit," saad niya.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News