Binalikan ni Dingdong Dantes ang kaniyang naging tuwa at takot nang malaman na magiging ama na siya. Ayon sa Kapuso Primetime King, malaki ang naitulong ng payo ng kaniyang mga magulang tungkol sa pagpapalaki ng anak.
"Mga 2015, grabe. Isa sa mga pinakamasayang araw ng buhay ko 'yun nang malaman ko na magiging daddy na ako," kuwento ni Dingdong nang mag-livestream siya para sa fans kamakailan.
"Pero siyempre mixed emotions kasi may excitement tapos may takot at may kaba kasi hindi ko alam kung ano talaga 'yung gagawin ko dahil siyempre, first time ko sa ganitong bagay," anang bida sa Kapuso series na "Descendants of the Sun."
Bukod sa pagbabasa sa mga website, nagtanong din si Dingdong sa kaniyang mga kakilala tungkol sa pagiging magulang, pero iba-iba raw ang nakuha niyang paliwanag.
"Pero sa tingin ko, ang isa sa pinakamagandang ginawa ko ay kinonsulta ko 'yung aking mga magulang. Kasi siyempre bilang anak, bihira mo maobserbahan 'yung ginagawa nila sa'yo eh," ani Dingdong.
"Kasi parang naging ritwal na 'yan, 'yung ginagawa nila nu'ng bata ka na inaasikaso ka, pinapakain ka, lahat ng ginagawa nila. And sometimes we take them for granted," ayon sa aktor.
"Ngayon na ako'y isang magulang na, kinailangan kong balikan ang lahat ng ginagawa nila sa akin at kinailangan ko silang tanungin specifically about it na parang 'Daddy bakit po ganu'n dati? Mommy bakit po ganu'n dati?'" patuloy ni Dingdong.
Dagdag pa niya, "Saka nila sasabihin kung bakit. Grabe talaga dahil mas nagiging malinaw ang lahat kapag nanggagaling talaga sa'yong mga magulang." -- Jamil Santos/FRJ, GMA News