Tumulong ang actress at animal welfare advocate na si Heart Evangelista sa pagligtas sa isang inabandonang aso nitong Linggo, June 28.
Ibinahagi ng 35-year-old fashion icon-visual artist ang kuwento ng pagkaka-rescue sa aso, sa kaniyang Instagram Stories nitong Linggo.
Ang babaeng aso, na nagmula sa white dog breeds, ay pinangalanan ni Heart ng “Cloud.”
Sa una sa serye ng Stories ni Heart, makikita ang screenshot ng Facebook post ng isang concerned citizen tungkol sa kaawa-awang kalagayan ni Cloud.
Maikli ang tali ng aso na nasa gilid ng halamanan ng isang park, sa gitna ng ulan.
Sa caption ni Heart, kinondena niya ang limang tao “who left her there to die.”
Pinuna ng aktres ang maikling pagkakatali kay Cloud kaya “di man makahiga o upo” ang hayop.
Nagpasalamat din si Heart sa concerned citizens na nagparating sa kanya tungkol sa kalagayan ng inabandonang aso, dahilan upang ma-rescue ito.
Ang mga tauhan ng animal rescue group na Pawssion Project ang sumundo kay Cloud.
Matagal nang partner ng Pawssion Project si Heart sa pagre-rescue sa mga asong minaltrato, maysakit, o inabandona.
Ayon sa post ni Heart, kaagad na binigyan ng tubig at pagkain si Cloud bago ito dinala sa veterinary clinic para masuri.
“I will make sure she goes to school and have the best life,” sabi pa ni Heart tungkol sa aso.
Ang “school” na tinukoy ng aktres ay ang pagsasailalim kay Cloud sa masusing rehabilitasyon.
Dadaan muna sa fostering—o pansamantalang pagkupkop—si Cloud bago ito tuluyang ipa-adopt, ayon kay Heart.
Kasabay nito, nag-iwan ng mensahe si Heart sa mga taong nag-abandona kay Cloud.
“Good luck karma is real people,” caption ni Heart sa video ni Cloud ilang oras matapos itong ma-rescue.--For the full story, visit PEP.ph