Masayang ibinalita ni Super Tekla na sumailalim na sa operasyon ang bagong silang niyang anak na may birth defect na anorectal malformation o walang butas ang puwet.

“Good news, okay na po. Successful po 'yung unang operation ni Miro. Thank God, praise God! So at this time, nasa ano na po siya, ililipat na po sa ICU,” saad ni Tekla sa kaniyang Facebook live nitong Biyernes.

Ngayong Biyernes ng umaga sumailalim sa colostomy si Baby Miro.

“Stable, successful po 'yung unang operation. Thank you, thank you! Salamat at ito na, nasa healing process na po tayo,” paglalahad ni Tekla.

Kasalukuyang nasa Philippine Children's Medical Center ang kaniyang anak.

“Praise God po, thank you, salamat. Talagang granted ni Lord 'yung aking dasal, unang-una 'yung safety at saka 'yung lakas ni Miro. Ang galing, sobrang tapang ng bata," saad niya.

" Akalain mo, nag-undergo na siya agad ng medyo mabigat na operation, 'yung colostomy. Para prepare po 'yun doon sa susunod niyang operation, para po 'yung passage po… at nang makakain na siya," patuloy ni Tekla.

Pagbahagi pa ng komedyante, kapag maayos at regular na ang pagkain ng bata at maging ang pagdumi nito ay saka gagawin ang susunod na operasyon.

“'Pag nakakain na po siya nang maayos at regular na po 'yung nilalabas niyang dumi, that's the time na makakakuha siya ng sapat na lakas para sa susunod na operation ay kayang-kaya niya,” pagpapatuloy ng Kapuso comedian.

Ilang araw pa lang mula nang isilang ang anak ni Tekla.

Sa hiwalay na FB post, pinasalamatan ni Tekla ang GMA Network, at ang lahat ng sumuporta at nagpaabot ng tulong para maoperahan ang kaniyang anak.--FRJ, GMA News