Sa isang Instagram post, inihayag ni Sharon Cuneta ang kaniyang paghanga sa paninindigan ng kaniyang anak na si Frankie Pangilinan tungkol mga usapin sa lipunan.
Kabilang nga rito ang ginawang pagpuna ng dalaga kamakailan sa tila paninisi ng iba sa mga kababaihan na nagsusuot ng seksing kasuotan kaya magiging biktima ng pambabatos o pang-aabuso.
Sa ulat ni Arniel C. Serato sa PEP.ph, sinabi nito na hindi pagpapatinag ni Frankie sa mga basher na pumupuna sa kanyang pagpapahayag ng opinyon gaya nga sa isyu ng "victim blaming" na tila kinontra pa ng isang kilalang broadcaster.
Ngunit nanindigan si Frankie laban sa naturang broadcaster na tumawag pa sa kaniyang "hija."
Ayon sa dalagang anak nina Sharon at Senador Kiko Pangilinan, lalong magiging laganap ang rape kung tatanggaping "normal" para sa mga lalaki na mambastos kapag nakakakita ng mga babaeng sexy manamit.
Sa Instagram post ni Sharon nitong Huwebes, June 18, ipinahayag ng Mega Star ang paghanga sa anak dahil sa paninindigan nito.
Saad ng aktres: “Ako naman alam ko na feeling ng Daddy at Mommy ko nung sumikat na ako bilang singer na nag-uumpisa pa lang...ganon man kasimple, mas proud ako na naging anak kita, dahil sa puso at pagkatao mo.
“Sa respeto at pagmamahal na binibigay mo sa amin ng Daddy mo.
“Sana anak hanggang mamamatay na lang kami huwag ka magbabago sa amin.
“Ikamamatay ko pag nag-iba ang ugali mo o lumaki ang ulo mo o maging plastik ka.”
Si Sharon ay anak ni dating Pasay City Mayor Pablo Cuneta at ni Elaine Cuneta, at kapatid ng actress-singer na si Helen Gamboa.
Sa pagpapatuloy ng Instagram post ni Sharon, biniro niya si Frankie na mag-asawa na ito at bigyan sila ng maraming apo.
Ipinatagtanggol din ni Sharon ang pananaw ng kaniyang anak na hindi dapat maging basehan ang seksing pananamit ng isang babae para lapastanganin.
Pahayag ng multimedia star, “Oo hindi namin ine-encourage ang mga anak namin na magbihis ng malaswa ever since at estrikto din po kaming mga magulang na di nagkukulang sa paalala.
“Ang sinasabi lang ng anak ko ay hindi dapat ibinibintang sa kasuotan ng sinumang babae ang pangaabuso o panggagahasa sa kanya.”
Saad pa ni Sharon, kahit ang mga babae sa ibang bansa na nakabalot ang kasuotan dahil sa malamig na klima ay nagagahasa rin.
Aniya, “Kahit balot na balot sa winter clothes ang babae sa ibang bansa, nagagahasa pa rin.
“At di naman tumataas ang statistics ng rape cases pag summer lang at mas konti ang nakabalot na suot ng mga babae kundi all-year round halos pantay lang kahit sa lugar na may four seasons lang nakatira. Yun lang.”
Inihayag pa ni Sharon: “Malakas ang lahing Katipunera (mga Lola ko) at Guerilla (Tatay ko) ang nasa dugo namin. Wala kaming inuurungan basta tama ang pinaglalaban. --For the full story, visit PEP.ph