Inihayag ni Sheena Halili na naging hamon sa kaniya ang paglilihi niya sa una niyang baby, lalo na nang hindi siya makakain nang maayos sa kaniyang mga unang linggo ng pagbubuntis.
"Sa mga nagme-message po sa akin na mommies o soon-to-be mommies like me na hindi raw po sila makakain, nasa sixth week sila, nasa eighth week 'yung isa, kung ano daw 'yung mga pinagdaanan ko, huwag kayong mag-alala ganiyan din ako, hanggang 11th week ko po yata hindi po ako makakain nang maayos," sabi ni Sheena sa Kapuso Showbiz News.
Pagtitiyak naman ni Sheena: "Part po 'yan ng paglilihi. Ang sabi po nila sa akin, kapag daw ganiyan ang mga nararamdaman mo 'yung sobrang morning sickness, it means okay si baby."
Hindi rin daw nagustuhan ni Sheena maski lasa ng tubig at ng kahit anong ulam.
"Oo ako din po, hindi po ako makainom ng water po nu'ng mga first few weeks ko po, fifth week? Sixth week? Ayoko rin po 'yung lasa ng tubig, ayoko ng amoy ng kanin, ayaw ko ng kahit anong ulam. Buong first trimester ko po ganoon," pagkuwento ng Kapuso actress.
Mas naging pabor naman daw kay Sheena ang pagkain ng mga prutas at gulay.
Payo naman ng soon-to-be mommy na si Sheena sa mga kapwa buntis na laging magpakonsulta sa doktor para masuri ang kanilang kalagayan.
"Make sure din na palagi niyong kakausapin 'yung OB ninyo. Si OB, si doctor talaga ang makakapagsabi kung ano ang best for you, kung ano ang okay for you, at hindi okay for you," ani Sheena.
Inanunsyo ni Sheena ang kaniyang pagbubuntis sa asawang si Jeron Manzanero nitong weekend, sa gitna ng umiiral na COVID-19 pandemic.
Ikinasal sina Sheena at Jeron nitong Pebrero 23, 2020. -MDM, GMA News