Inihayag ni Senador Bong Revilla na sasailalim sa angiogram procedure ang kaniyang ama na si Ramon Sr., na dating action star at senador din.
Sa Facebook post ng nakababatang Revilla nitong Martes, sinabi niyang kailangang suriin ang puso ng kaniyang ama na ilang araw na ring nasa pagamutan matapos isugod doon noong Mayo 31.
"He is doing better than when I first brought him to the hospital, but still on the long road to recovery," saad ni Bong.
"He will undergo an angiogram procedure tomorrow dahil may irregular sa kaniyang puso na baka cause ng iba pa niyang karamdaman," patuloy ng senador.
Kaya naman humihingi ng panalangin ang senador para sa paggaling ng kaniyang 93-anyos na ama.
"Hawak ko po ang kamay ng aking ama, at damang-dama ko ang pagmamahal at patuloy niyang paglaban," saad ni Bong sa caption ng larawan na ipinost niya.
"His will to get through this and his strong desire to live, hand in hand with our prayers and the love of God keeps us positive and hopeful," patuloy ni Bong.
Nitong Mayo 31, nang dalhin sa St. Luke's Medical Center-Global City ang dating senator na inilagay sa ventilator dahil nahihirapan umanong huminga.
Bumuti naman ang kalagayan ng nakatatandang Revilla, sa sumunod na araw, ayon sa kaniyang apo na si Cavite Vice Governor Jolo Revilla. -FRJ, GMA News