Sa pagbisita ni Presidential Spokesman Harry Roque sa "Wowowin-Tutok To WIn" nitong Miyerkules para makapagbigay ng impormasyon tungkol sa mga hakbangin ng pamahalaan vs COVID-19, biniro niya ang host na programa na si Willie Revillame na baka may kinalaman ito kaya nawalan ng prangkisa ang ABS-CBN.
“Sa kauna-unahang pagkakataon, ikaw lang ang napapanood sa buong bansa,” bungad ni Roque kay Willie na n,ais gawing "light" muna ang kanilang pag-uusap bago dumako sa seryosong paksa.
Natatawang sinundan ito ng kalihim ng biro na, “Alam mo, duda ko kaya iyong isa nawalan ng prangkisa, ikaw may kagagawan niyan. Aminin…”
Natatawa namang napailing si Willie pero seryoso niyang sinabi na malaki ang utang na loob niya sa ABS-CBN.
"Alam mo Sec. wala po akong...Malaki rin po ang utang na loob ko sa istasyon na 'yan," saad ni Willie at naging seryoso na rin si Roque.
"Ah, oo nga pala," sambit naman ni Roque.
Patuloy ni Willie, "Doon ako nagsimula, doon ako nakilala, nasa puso ko pa rin iyan."
“Kapamilya, Kapatid, Kapuso, bawat Pilipino,” dagdag ni Willie.
Sa huli, pabirong sinabi ni Kuya Wil kay Roque bago bitawan ang isyu na, "Sec, huwag mo akong idamay, baka ma-bash ako. Nananahimik po ako.”
Kasunod nito ay itinuon na ni Willie ang panayam kay Roque tungkol sa mga ginagawang hakbang ng pamahalaan patungkol sa COVID-19 at ano mga susunod na deklarasyon tungkol sa community quarantine.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na nag-imbita ng public official si Willie para kumuha ng mga impormasyon tungkol sa COVID-19 pandemic.
WATCH: IATF spox Karlo Nograles, naiyak sa tribute video para sa COVID-19 frontliners
Noong nakaraang Abril, hindi napigilan ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na maiyak nang mapanood sa programa ang tribute video para sa mga fronliner na pulis. --FRJ, GMA News