Dahil maraming kababayan nila ang nahihirapan sa sitwasyon ngayon sa Minglanilla, Cebu, nagpaabot ng tulong si Golden Cañedo ng mga bigas kahit mula sa naipon niya. Pero sa halip na "tulong," nais ni Golden na tawagin "regalo" ang kaniyang ibinibigay.

Sa panayam sa kaniya ng Kapuso Showbiz News, sinabi ni Golden na hindi niya naiwasang mag-alala para sa pamilya at mga kapitbahay niya sa Cebu nang dahil sa krisis na dulot ng COVID-19.

"Na-realize ko na ang pinakaimportante po talaga sa lahat 'yung pamilya... Kaya po naisip kong tulungan ang kababayan ko doon sa Minglanilla. Kasi nakita po at sabi ng lola ko na sobra talagang naapektado 'yung lungsod po namin. Sobrang wala pong makain, sobrang hirap po sila doon kaya po sobrang malungkot din po ako sa nangyari," sabi ni Golden.

"Nagbigay din po kami ng family ko, at nakita ko po talaga 'yung ngiti at ligaya po ng mga kababayan ko. Ngayon po naisipan ko po na meron din po akong konting napundar at inubos ko po lahat-lahat po ng naipon ko para po sa mga kababayan ko sa Minglanilla," sabi pa niya.

Nagtulong-tulong daw ang kaniyang pamilya sa Cebu para makabili ng madaming kaban ng bigas at maipamahagi sa mga nangangailangan.

Ayon sa kaniya, mahigit 400 na pamilya ang kanilang natulungan.

"Sad to say po hindi ko po lahat nabigyan. Pero nalungkot din po ako nang husto kasi may apat na barangay na nag-waive sa amin at naghintay po, nag-assume sila na mabigyan din po sila ng regalo po ng bigas. Sobrang ang dami-dami po talaga palang naghihirap ngayon," anang The Clash Season 1 Grand Champion.

Kaya naman naisipan nilang magbigay ulit ng mga bigas para sa second batch.

"Hindi po namin tinawag na tulong. Ang tawag po namin dito is regalo. Kasi galing po ito kay God na ibinigay din po sa amin, na niregalo din po sa amin kaya ishe-share din po namin at ireregalo din po namin sa mga nangangailangan," sabi ni Golden.--Jamil Santos/FRJ, GMA News