Matapos gumaling sa COVID-19, nag-donate na ang batikang aktor na si Christoper "Boyet" De Leon ng kaniyang dugo (o plasma) para magamit na gamot sa ibang pasyente na tinamaan din ng virus.  Kasabay nito, ikinuwento ng aktor ang kaniyang naramdaman nang una niyang malaman na positibo siya sa virus.

Nagpaunlak ng panayam sa programang "Kapuso Mo, Jessica Soho" si Boyet at kaniyang misis na si Sandy Andolong, upang ibahagi ang mga sandali nang malaman nilang positibo sa COVID-19 ang aktor.

Saad naman ni Sandy, sa kanilang pamilya, si Boyet ang pinakamaingat kaya nagtaka sila nang tamaan ito ng virus.

Hindi pa rin malaman ni Boyet kung saan niya nakuha ang virus pero higit na nangamba raw siya na baka nahawahan niya ang kaniyang mga anak, mga kasama sa bahay, lalo na ang asawang si Sandy.

Ayon kay Boyet, batid niya na mas magiging mahirap para sa kanila kung magkaroon ng COVID-19 si Sandy dahil sumailalim noon ang aktres sa kidney transplant kaya mas mahina ang kaniyang immune system.

"Sabi ko, 'Wag naman po na pati ang asawa ko magkaroon nito,'" saad niya.

"Because this would be very delicate. I was praying 24/7,  I watched iyong mga channel ng mga pastor and priests. Everything that I can hang on to," dagdag niya.

Kaya naman labis-labis daw ang kanilang pasasalamat nang malaman nilang negatibo si Sandy sa virus. At pagkaraan naman ng pitong araw sa ospital, gumaling na rin si Boyet at pinayagan nang umuwi sa ospital kung saan sumailalim pa rin siya sa quarantine.

Naniniwala si Boyet na ang malakas na pananampatalaya niya sa Diyos ang nakatulong sa kaniyang mabilis na paggaling. Hindi rin umano niya pinagdaanan ang matitinding sintomas ng mga sakit na komplikasyong dulot ng virus.

Mayroon din umano siyang mga ginagawang breathing exercises na pinaniniwalaan niyang nakapagpalakas ng kaniyang baga kaya hindi naging matindi ang tama ng virus sa kaniyang katawan.

Ibinahagi ni Boyet sa "KMJS" ang ilan sa ginagawa niyang simpleng ehersisyo. Panoorin. --FRJ, GMA News