Nagkaisa ang mga talent ng GMA Artist Center sa "Project Rice Up: Butil para sa Buhay," na layuning makakalap ng pondo para sa mga sako-sakong bigas na ipamamahagi sa mga nangangailangang pamilyang Pilipino.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" sinabing marami sa mga tao ang nahinto sa trabaho dahil sa enhanced community quarantine na extended na hanggang sa katapusan ng Abril.
Natigil din ang maraming opisina at negosyo kaya marami sa mga kababayan ang nangangamba kung paano nila maitatawid ang kanilang gutom.
"As an artist, nararamdaman ko 'yung kaba, 'yung takot, 'yung mga pag-aalinlangan sa mga darating na panahon. Paano pa kaya 'yung mga kapwa natin na walang wala sa ngayon? Nawalan na nga po sila ng hanapbuhay, wala pa silang pinagkakakitaan, ang hirap pong magutom lalo na kapag nakikita niyo 'yung mga mahal niyo sa buhay na nagugutom," pahayag ni Yasmien Kurdi.
"Dahil sinuportahan nila tayo sa lahat ng bagay, sinuportahan nila ang mga shows ng GMA, it's time to give back 'yung support na 'to, 'yung suporta naman natin ang kailangan nila," ayon naman kay Klea Pineda.
Naghayag si Chariz Solomon ng pangamba sa mga kapwa niya nanay.
"Hindi ko ma-imagine 'yung hirap na wala akong maipapakain sa aking pamilya kaya nag-participate po kami sa project na ito ng GMA para po hindi natin maiparamdam kahit kanino, wala pong makakaramdam ng gutom," ayon kay Chariz.
Naniniwala aniya si Betong Sumaya na sama-samang mapagtatagumpayan ng mga Pilipino ang krisis.
"Ibang klaseng krisis po itong kinakaharap natin at ibang krisis din po ang gutom. Nararanasan ko po 'yan nu'ng ako'y sumali sa Survivor Philippines, ibang klaseng gutom po talaga. Mahirap po talaga ang walang laman ang tiyan. Alam ko po na ang isang tulong, 'pag pinagsama-sama po, malayong malayo po ang mararating," ani Betong.
Kaisa ang GMA Kapuso Foundation, nananawagan ang Kapuso artists na makiisa sa Project Rice Up.
"We are calling on other artists and staff of GMA to also give if they can and support Project Rice Up," panawagan ni Angela Alarcon. —Jamil Santos/LBG, GMA News